Search
  • BULGAR

Ang pag-asa at ang ating mga kababayan sa kalye

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | June 28, 2020



Naglalakad, tumatakbo, nagbibisikleta o nagmamaneho man ay hindi natin pinalalampas ang pagkakataong makipag-usap sa ating mga kababayang nakatira sa kalye. Tinatawag natin silang “kabayan sa kalye” imbes na “taong-kalye” na madalas iugnay sa mga “taong-grasa”.


Noong isang araw, habang naglalakad ako ay nakasalubong ko ang dalawang kababayan sa kalye. Isang babaeng, medyo kuba at hirap na maglakad ang unang lumapit sa akin.


Wala siyang imik at basta na lang inilahad ang palad ng kanyang kanang kamay sa akin. Tinanong ko ang kanyang pangalan at kung matagal na siya sa kalye. Aniya, sa kalye na siya lumaki at wala siyang ibang alam gawin kundi ang manlimos.


Nakasalubong ko rin ang isang lalaki na sumenyas na nagugutom siya (isang kamay na itinuturo ang bibig). Dumukot ako ng mga sensilyo at inabot na lalaki. Aga’t agad ito nagkuwento, “Salamat po. Sana sabihin na lang sa aking ng iba na “wala kaming pera” kaysa magsasalita pa ng masakit tulad nang “wala akong pakialam sa iyo, kung gutom o may sakit ka, problema mo na ‘yan.” “Napakasakit ng mga ganitong salita. (itinuro ang kanyang dibdib) Pumapasok sa aking puso. Napakasakit po,” dagdag pa nito.


Ganito ang madalas nating makita, marinig, matuklasan at maranasan sa kalye. Iba’t iba ang maaari mong matuklasan sa kalye kung handa kang pumasok sa mundong ito.


Ngayong panahon ng pandemya, lalong humirap, lalong naging mapanganib at masalimuot ang buhay sa kalye. Dahil sa kahirapan, tiyak na nadaragdagang araw-araw ang ating mga kababayan sa kalye.


Kaya, napapanahon nang pagtuunan ng pamahalaan at lahat ng mga institusyon at sektor ang buhay na buhay, ngunit hirap na hirap na mundo ng ating mga kababayan sa kalye. Simulan natin ito sa pamamagitan ng pagtingin sa hugis at kulay ng kanilang mundo.


Malawak at mayaman ang mundo ng mga kababayan natin sa kalye. Bakit?


Una, magkakaiba ang dahilan kung bakit sila nauwing tumira at mamuhay sa kalye.


Pangalawa, sa tagal na ng ilan sa kanila sa kalye, nakabuo na rin sila ng ibang uri ng pakikitungo na namunga sa iba’t ibang uri ng samahan at ugnayan. Halimbawa, matuturing bang karaniwang pamilya ang mga pamilyang nagsimula at nabuo sa kalye?


Paano sila nagligawan, umibig at magpasyang magsama (magpakasal o hindi)?


Paano mag-alaga at magpalaki ng anak sa kalye? Ilan sa mga bata at kabataang nakatira sa kalye ang pumapasok sa eskuwela? Paano sila mag-aral at gumawa ng takdang-aralin?


Pangatlo, samantalang maraming nangangalakal sa ating mga kababayan sa kalye, marami pang ibang hanap-buhay na natuklasan at kinabubuhay nila.


Pang-apat, kung magiging kaibigan mo sila at magbubukas sila sa iyo, maaari mong tanungin kung ano ang kanilang pangarap sa buhay. Magugulat ka sa sari-saring sagot na iyong maririnig. Sa kabila ng kanilang kahirapan, hindi pa sila desperado at naghahangad at naghihintay na lang matapos ang kanilang paghihirap.


Bago nanalanta ng pandemya ang buong daigdig, marami nang nakatira at nabubuhay sa kalye. Marami sila ngunit tila hindi pa rin sila napagtutuunan ng pansin. Ayon kay Cielito Habito, ang tinatawag na “informal sector” ay bumubuo ng 40 porsiyento ng ating Gross Domestic Product (GDP) ang kabuang katumbas sa salapi ng lahat ng nagawang produkto at serbisyo sa loob ng isang takdang panahon.


Kasama sa naturang “informal sector” ang mga nakatira at namumuhay sa kalye. Kung ganito kalaki ang kontribusyon (40% GDP) ng ating “informal sector”, bakit hindi sila pinagtutuunan ng seryosong pansin?


Ganito ang karaniwang kalakaran at pananaw bago magpandemya. Ngayong may pandemya at lumulubog ang pandaigdigang ekonomiya at parami nang parami ang naghihirap, mag-iba kaya ang kalakaran at pananaw na tila binabalewala pa ang mga mahihirap, ang ating mga kababayan sa kalye?


Dagdag pa ni Habito sa kanyang arikulo, “sa halip na gipitin, dagdagan ang mga batas at parusa laban sa mga “informal sector” (na maraming nakatira sa kalye), baka ibahin naman natin ang kalakaran at pananaw tungkol sa kanila. Baka magtagumpay pa tayong patayin ang “gansang” nagkakaloob sa atin ng kinakailangang itlog para sa ating ikabubuhay.” (PDI, June 26,2020 Cielito Habito, Informal Sector, Bane or Boon?)


Nasaan ang pag-asa? Saan ba tayo dapat tumingin? Naririyan ang marami nating mga kababayang nagsisikap maghanap-buhay at mabuhay. Baka panahon nang sila ay tunay nating tingnan sa halip na balewalain. Nakarinig na ba kayo ng mga salitang sumusugat, bumabaon sa kalalim-laliman ng ating puso?

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.