top of page
Search
  • BULGAR

Ang batayan ng tunay na pagbabago

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 8, 2022


"Puwede namang magbago ang mga pulis", ito ang pahayag ng bagong PNP Chief na si Police Lt. General Rodolfo Azurin. Subalit dagdag ni Azurin, “Sa tulong ng simbahan.”


Hindi imposibleng magbago, ngunit kailangang tingnan natin ang batayan ng tunay na pagbabago. Ano ba ang binabago? Masamang ugali lang ba? Mga indibidwal na pulis lang ba? Ilang pagkukulang lang ba? Anong pagkukulang o pagkakamali ba? Maliit ba o seryoso? Kung laliit lang, hindi malaki ang problema. Ngunit kung malaki at seryoso ang kailangang baguhin, malaki ang problema at hindi ito basta-bastang malulutas. Tingnan natin ang ilan pang katanungan na maaaring tulungan tayong tingnan kung gaano kalaki, kalalim at ka-seryoso ng problema.


Una, tingnan natin kung ano ang nangyari sa kapulisan sa mga nagdaang administrasyon. Hindi ba’t napakadaling ikompromiso ang integridad ng kapulisan at gawin itong mistulang “private army” ng Presidente? Sa nagdaang administrasyon, ganun na lang kalaki ang itinaas ng suweldo ng kapulisan. Hindi masama ito, ngunit meron kayang ibang ibig sabihin ang malaking pagtaas ng suweldo ng kapulisan at siyempre, pati na ng mga sundalo?


Pangalawa, bakit panay retiradong police generals at army generals ang binibigyan ng matataas na posisyon sa pamahalaan? Noong midterm elections ng nakaraang administrasyon, tumakbo si Gen Bato dela Rosa at tiniyak ang pagkapanalo nito. Bakit kaya?


Pangatlo, ganun na lang ang pagpretekta ng Pangulo sa kapulisan sa maraming abuso at hayagang ilegal na mga gawain ng mga ito sa nakaraang programang Kontra Droga. At ganun na lang ang utos na kapag nanlaban ang mga sangkot sa droga ay huwag magdalawang isip, barilin na lang. At huwag mag-alala, ako ang bahala sa inyo, “I have your back,” sabi ng pangulo. At ganun nga ang nangyari, anuman ang mangyari, halos lahat ng namatay na diumano’y sangkot sa droga ay binabansagang “nanlaban” kahit malinaw na hindi.


Pang-apat, bigla na lang umatras, umalis sa pagiging bahagi ng Pilipinas sa International Criminal Court. Ang dahilan nito, hindi na kailangang pasakop sa banyaga o panlabas na korte dahil tumatakbo naman nang maayos ang ating mga lokal at pambansang mga korte. Talaga? At mabilis na inatasan ang Department of Justice sa ilalim ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na magsagawa ng sariling imbestigasyon ng mga naturang pang-aabuso ng mga pulis. At naglabas ng ulat ang DOJ tungkol dito at ito ay pinadala sa ICC na nakitang hindi katanggap-tanggap ang naturang pag-uulat.


Sa dinami-rami ng inilaang kaso ng tokhang na pinaghihinalaang sangkot ang kapulisan, kaunti lang ang tunay na nakasuhan at nahatulan.


Kung pagbabatayan ang katotohanan at katarungan, maaari bang magkaroon ng tunay na imbestigasyon ng lahat ng kapulisang sangkot sa War on Drugs at hikayating umamin ang mga pulis na nanakit o pumatay sa mga napakaraming biktima na walang laban? Ipakita ng pamahalaan na tunay ngang nais nitong linisin at ituwid hindi lang ang mga pagkakamali kundi ang mga karumal-dumal na krimen ng pagpatay sa maliliit na walang kalaban-laban na mga pinaghihinalaang biktima ng EJK.


Merong mga halimbawa sa kasaysayan ng tunay na paglilinis at pagtutuwid ng kapulisan at ng mga army. Maaaring pag-aralan ng Presidente ang halimbawa ni President Nelson Mandela ng South Africa, sa program nitong Truth and Reconciliation Commission. Hindi humingi si President Mandela ng tulong maski na kanino. Siya mismo ang namuno sa paghahanap ng Katotohanan at Pagbabalik ng Dangal at Pagkakaisa ng South Africa. Nagsisimula ang lahat sa pagpapakumbaba at malinis na intensyon. Madulas ang daan na inaalok ng bagong Chief PNP.


Kung tunay na hangad ninyong baguhin at ibalik ang dating magandang reputasyon ng kapulisan, napakadami po ninyong kailangang gawin at walang ibang makagagawa nito kung hindi kayo mismo. Kailan ang lubos na pagiingat ng sinuman at anumang institusyon na hindi magamit sa malungkot at hindi patas na patibong ng mababaw na pagtutuwid, paglilinis sa pamamagitan ng “lehitimasyon” ng mali at krimen laban sa taumbayan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page