ni Anthony E. Servinio @Sports | August 9, 2024
Nabitin ang huling paghabol ni Elreen Ando sa Women’s 59-kilogram Category ng Paris 2024 Weightlifting Huwebes ng gabi sa South Paris Arena #6. Uuwi pa rin mula sa kanyang pangalawang Olympics na nakataas ang noo ng Pinay.
Sa kanyang unang salang ay nabigo niya maibuhat ang 100 kilo subalit bumalik upang maitaas ang barbell para sa bagong personal na marka. Sinubukan niya ang 102 subalit hindi siya pinalad at winakas ang Snatch sa 100 kilo na pansamantalang inilagay siya sa ika-walong puwesto sa 12 kalahok.
Pagsimula ng Clean and Jerk ay sinubukan niya agad ang 130 kilo na mas mabigat sa kanyang marka na 128. Kinailangan niya ang tatlong buhat bago nakuha ang basbas ng mga hurado at tumalon sa ika-apat na puwesto na may kabuuang 230 kilo.
Nabitin si Ando sa medalya sa gitna ng nakakamanghang ipinamalas ni Luo Shifang ng Tsina na winasak ang mga Olympic Record sa Snatch, Clean and Jerk at Total patungo sa ginto. Nagtala siya ng 107 sa Snatch at 134 sa Clean and Jerk para sa ipinagsamang 241 kilo.
Napunta ang pilak kay Maude Charron ng Canada na bumuhat ng 236 kilo. Nakuntento si defending champion Kuo Hsing Chun ng Chinese Taipei sa tanso at 235 kilo.
Tabla sina Ando, Anyelin Venegas ng Venezuela at Rafiatu Folashade Lawal ng Nigeria sa 230. Ang iba pang nagtapos ay sina Kamila Kontop ng Ukraine (227), Janeth Gomez ng Mexico (217), Dora Tchakounte ng Pransiya (213), Mathlynn Sasser ng Marshall Islands (209) at Lucrezia Magistris ng Italya (208) habang minarkang hindi nakatapos si Yenny Alvarez ng Colombia dahil wala siyang nakumpleto sa Clean and Jerk para isama sa kanyang 105 sa Snatch.
Kinailangan ni Ando na magpapayat para sa kompetisyon dahil naglaro siya sa 64-kilogram noong Tokyo 2020 at naging ika-pito sa likod ni ginto Charron. Inalis ng organizer ang ilang mga timbang kaya ilang atleta ay napilitang umakyat o bumaba ng kategorya.
Comments