top of page
Search
BULGAR

Anak nila, kapalit daw ni Kathryn… AGA AT CHARLENE, PABOR KAY DANIEL PARA KAY ATASHA

ni Janiz Navida @Showbiz Special | July 16, 2024



Showbiz News

Hindi na lang pala aktor si Aga Muhlach dahil producer na rin siya ngayon ng first sitcom ng kanyang pamilya, ang Da Pers Family na eere na sa TV5 simula sa July 21, Linggo, 7:15 PM.


First time na magkakasama sa isang TV project ang mag-asawang Aga at Charlene Gonzalez kasama ang kanilang kambal na sina Andres at Atasha.


Dagdag-saya rin sa sitcom ang pagkakasama ng mga matagal nang kaibigan ni Aga na sina Roderick Paulate a.k.a. Kuya Dick at ang aming BFF Bayani Agbayani, Sam Coloso, Chad Kinis, Heart Ryan, Kedebon Colin at si Ms. Ces Quesada na bagung-bago raw ang role bilang lola (Hahaha! Pero may pagka-naughty grandma naman).


Na-miss ni Aga na gumawa ng sitcom at makasama ang mga kaibigan kaya siya mismo ang tumawag kina Kuya Dick, Bayani at maging sa direktor na si Danni Caparas para makagawa sila ng reunion project at siya na nga ang producer.


Mala-Oki Doki Doc ang konsepto ng Da Pers Family at sa teaser pa lang, natatawa na kami sa mga eksena nina Aga, Kuya Dick at Bayani na pare-parehong walang kupas magpatawa, lalo na si Kuya Dick na effortless talaga.


Masaya naman sina Aga at Charlene na pumasok na rin sa showbiz ang kanilang kambal at kahit baguhan pa lang sina Atasha at Andres, todo-papuri na sa dalawa ang kanilang mga co-stars tulad na lang nina Kuya Dick, Bayani at Ms. Ces dahil sa klase ng pagpapalaki sa dalawa.


Kuwento nga ni Kuya Dick, tuwing taping nila, may naka-reserve nang "kabayan" (tinapay sa bakery) para sa kanya si Atasha.


Si Andres naman, napakabait at napakagalang daw, sabi ni Ms. Ces, kaya maluha-luha sina Charlene at Aga nang marinig ang mga good words ng mga veteran stars para sa kambal.


Anyway, natanong nga sina Aga at Charlene kung stage parents ba sila at sabi naman nila, malaki ang tiwala nila sa mga anak lalo na sa decision-making dahil tinuruan nila ang mga ito na maging independent simula bata pa, kaya alam nilang kakayanin ng mga ito ang pinasok na trabaho.


When it comes to love life, idiniin ni Aga na hindi siya nakikialam sa usaping-puso ng mga anak, gayundin naman si Charlene. Kahit sino raw, basta may mabuting puso at mahal ng kanilang mga anak, tatanggapin nila.


Tanggap nina Aga at Charlene na darating ang punto na magmamahal din ang mga anak pero sa ngayon, nakikita raw nilang ang priority ng mga ito ay pagtatrabaho at pag-iipon sa kanilang mga kinikita sa showbiz, kaya hindi sila natatakot na mag-asawa na ang dalawa.


Besides, pareho nang graduate sina Andres at Atasha at 23 yrs. old na ang mga ito kaya kung anuman daw ang gusto nilang gawin sa buhay nila, nandiyan na lang sina Aga at Charlene para sumuporta.


Tinanong namin sina Aga at Charlene kung ano naman ang reaksiyon nila na nali-link ngayon si Atasha Muhlach kay Daniel Padilla matapos mahiwalay ang anak ni Karla Estrada kay Kathryn Bernardo.


May ilang netizens kasi ang nagpu-push na bagay daw pagsamahin sa isang project sina Atasha at Daniel o gawing love team.


Nagulat si Aga dahil wala raw siyang alam o narinig tungkol sa Atasha-Daniel team-up.


Pero ang reaksiyon niya ngayong narinig na niya ito, "Oy, salamat naman. I mean, talaga? Wala naman akong ire-react du'n, parang kung saan papunta 'yung trabaho nila… Wala, wala naman akong kokontrahin kahit saan."


Bilang artista rin daw siya, naiintindihan niya kung pagsamahin man daw ang dalawa dahil work naman daw 'yun at nothing personal.


Ganu'n din naman ang katwiran ni Charlene, pagdating sa projects ng mga anak, ipinauubaya raw nila ito sa manager nina Atasha at Andres at sa desisyon ng dalawa kung ano'ng projects ang gustong gawin at sino ang gusto nilang makasama.


Nagkita nga lang daw sila ni Karla Estrada na nanay ni Daniel the other night to celebrate Ruffa Gutierrez birthday at wala naman daw silang napag-usapan tungkol dito.


Well, baka in the future, puwede ngang i-push 'yan. But right now, dito muna tayo sa Da Pers Family na sa July 21 na ang pilot airing kaya make sure to watch para naman maka-laugh tayo nang bongga at matanggal ang stress.

'Yun, oh!



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page