Anak ni Anakpawis Chairman Randy Echanis, inaresto

ni Thea Janica Teh | December 3, 2020

Inaresto ngayong Miyerkules si Amanda Lacaba Echanis, ang anak ng namatay na National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant at Anakpawis chairman na si Randy Echanis, kasama ang isang buwan nitong anak sa Barangay Carupian sa Baggao, Cagayan.
Ayon sa Anakpawis, bandang 3:30 ng madaling-araw nang arestuhin ng mga awtoridad si Echanis at kinasuhan ng illegal possession of firearms, ammunition at explosives.
Planado umano ang pag-aresto kay Echanis pati na rin ang pagtanim ng mga ebidensiya dahil kapapanganak lang umano ni Echanis.
Samantala, ayon naman kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Brigadier General IIdebrandi Usana, legal umano ang operasyon dahil may hawak ang mga awtoridad na search warrant galing sa judge dahil sa paglabag nito sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Wala umanong mali sa ginawang pag-aresto kay Echanis dahil may hawak na search warrant ang mga awtoridad. Dagdag pa nito, kung mayroong hinaing tungkol dito ay bukas umano ang PNP upang sagutin ang lahat ng katanungan.
Samantala, matatandaang noong Agosto ay natagpuang patay si Randy Echanis kasama ang kapitbahay nitong si Louie Tagapia sa nirerentahang bahay sa Novaliches, Quezon City.
Ang pagpanaw ni Randy ay isa umanong “politically motivated” at may kaugnayan sa pagiging consultant sa NDFP at leader ng Anakpawis, ayon sa asawa nitong si Erlinda. Nitong Nobyembre 25, natagpuan ding patay ang dalawa pang consultants ng NDFP na sina Eugenia Magpantay at Agaton Topacio na hinihinalang pinatay ng mga awtoridad sa Angono, Rizal.





Comments