Among Malaysians ng Pinay na minaltrato, hinatulan ng 12-taong kulong
- BULGAR

- Oct 10, 2020
- 2 min read
ni Lolet Abania | October 10, 2020

Nahatulan na ng korte na makulong ang Malaysian employers ng Pinay na biktima ng human trafficking, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon.
Napatunayan ng Sessions Court sa Malaysia na nagkasala ang mga nasabing employers sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons and Smuggling of Migrants (ATIPSOM) Act.
Gayundin, pinatawan ng sentensiyang 10 hanggang 12 taong pagkakabilanggo ang mga employers. Pinagbabayad din ang mga ito sa biktimang Pinay ng RM20,000 (katumbas ng P232,976) na danyos.
“The conviction is a big win for us during this pandemic and is the first victory for a Filipina in Malaysia. This is an example of the government's commitment in protecting and promoting the rights of our OFWs,” sabi ni DFA Usec. Sarah Lou Arriola.
Kinilala ng DFA ang biktimang Pinay bilang "Courage" na nakatakas sa unang employer dahil sa tangkang panghahalay umano nito. Kasunod na namasukan ito sa nahatulang mag-asawang Malaysian.
Ayon sa DFA, minamaltrato at inaabuso si Courage ng mag-asawang employer tulad ng hinahampas ng hanger, pinukpok ng plantsa at sinabuyan ng kumukulong mantika na ilan lang sa tinamo ng biktima.
Gayunman, nakatakas si Courage sa Malaysian couple. Natagpuan siya ng mag-asawang Pinay sa isang abandonadong lote at isinama sa Philippine Embassy sa Kuala Lumpur.
Agad na inimbestigahan ng pulisya ang insidente at dinala si Courage sa isang safe house, tahanan para sa mga biktima ng human trafficking sa Malaysia.
Sa naganap na trial sa Magistrate Court, isinalaysay at pinatotohanan ni Courage ang naging karanasan niya sa malupit na mga amo.
Samantala, noong June 2018 pa nakabalik sa bansa ang nasabing Pinay.
Una rito, napawalang-sala ang mag-asawang Malaysian na amo ni Courage. Subali’t dahil sa paghahain ng petisyon at apela sa Sessions Court, nabaligtad ang desisyon ng lower court at napatunayang guilty ang mga employers nito.
Noong February 2019, bumalik si Courage sa Malaysia sa tulong ng DFA upang magsampa ng hiwalay na kasong sibil laban sa kanyang mga employers.
Binigyan din ng DFA ng Legal Assistance Fund ang biktimang Pinay para sa kanyang abogado at pagbabayad ng bond o security cost sa isinampang civil case. Kasalukuyang nakabinbin ang kasong sibil ni Courage.





Comments