5 bebot, pinagsamantalahan... Cardinal, haharap sa reklamong sexual assault
- BULGAR

- 13 hours ago
- 2 min read
ni Justine Berganio @Overseas News | July 9, 2026

Nagpasyang umatras muna sa kanyang tungkulin ang cardinal ng Simbahang Katolika na si Cristobal Lopez Romero matapos siyang masangkot sa mga alegasyon ng sexual assault na inihain ng ilang kababaihan, ayon sa ulat ng Agence France-Presse (AFP).
Si Lopez, 74, na ipinanganak sa Spain at kasalukuyang Archbishop ng Rabat, Morocco, ay kabilang noon sa mga itinuturing na posibleng maging susunod na Santo Papa matapos ang pagpanaw ni Pope Francis. Gayunman, mariin niyang itinanggi ang lahat ng paratang laban sa kanya.
Ayon sa AFP, isang babae ang naghain ng nakasulat na reklamo sa Vatican Embassy sa Morocco noong Mayo. Inakusahan niya ang cardinal ng paulit-ulit na mahigpit na pagyakap at umano’y pagtatangkang halikan siya nang walang pahintulot.
Bukod dito, sinabi ng isang source mula sa Archdiocese ng Rabat na hindi bababa sa limang kababaihan ang naglahad ng magkakatulad na alegasyon laban kay Lopez. May mga ulat din umano na may kapareho siyang asal noong nagsisilbi pa bilang misyonero sa South America.
Sa kanyang pahayag sa AFP, kinumpirma ni Lopez na may isinasagawang paunang imbestigasyon ang Simbahan kaugnay ng mga reklamong isinampa laban sa kanya. Gayunman, iginiit niyang wala siyang ginawang sexual assault, karahasan o sexual harassment.
Samantala, sinabi ng kanyang deputy na si Vicar General Marc Helfer na dapat hayaang matapos ng mga awtoridad ng Simbahan ang kanilang imbestigasyon bago maglabas ng anumang konklusyon. Aniya, iginagalang nila ang proseso at hindi nila tinatakpan ang sinuman.
Ayon naman sa isang Moroccan lawyer na dalubhasa sa mga kasong may kinalaman sa sexual violence, maaaring pumasok sa mas mabigat na paglabag ang mga paratang laban sa cardinal kung mapatutunayang ginamit niya ang kanyang posisyon ng awtoridad sa umano’y mga insidente.
Sa ngayon, wala pang naihahaing kasong kriminal laban kay Lopez. Gayunman, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Simbahang Katolika habang nananatiling umiiral ang presumption of innocence hanggang sa mapatunayan ang mga alegasyon sa tamang proseso.





Comments