Ambulansya emergency lang, ‘wag gawing service para makakaiwas sa traffic
ni Ryan Sison @Boses | Marso 3, 2024
Hindi pala lahat ng sakay ng ambulansya ay mga pasyente na kinakailangang isugod sa ospital.
Dahil dito, isang kampanya ang agad na sinimulan ng Department of Transportation (DOTr) para habulin ang mga ambulansya na nagdadala ng mga komyuter o kaya mga bakasyunista sa halip na mga pasyente sa ospital, upang mahinto na ang maling paggamit ng mga emergency vehicle.
Nagbabala na rin ang DOTr Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) na mahaharap sa multiple charges ang mga indibidwal na gumagamit ng mga ambulansya para sa tinatawag na non-emergency situations.
Ayon kay DOTr Command and Control Operation Center chief Charlie Del Rosario, ang mga mahuhuling indibidwal ay mahaharap sa kaso sa paglabag sa Presidential Decree No. 98, kung saan nagbabawal sa paggamit ng mga emergency siren o wang-wang ng mga hindi awtorisadong sasakyan.
Sinabi naman ng Department of Health (DOH), na nag-a-accredit sa mga ambulance, ang mga ambulansya lamang ang pinapayagang gumamit ng mga blinker at sirena, at hindi ang mga patient transport service unit.
Paliwanag ni Dr. Alfonso Favis ng DOH, ito ang mga non-emergency cases, na kunwari ay mga matatanda. Iyong mga kailangan nang magpa-dialysis na dapat na tutulungan nila.
Sa ngayon, ang DOTr-SAICT ay sumangguni na sa Department of the Interior and Local Government (DILG) bago ipatupad ang kanilang crackdown.
Nakakatuwa naman ang lumabas na mga report na may mga ambulansya na ginagamit na service vehicle ng mga komyuter, sa halip na ang sakay ay mga emergency patient na kinakailangang dalhin sa ospital.
Ang akala siguro ng mga drayber ng ambulansya ay hindi madidiskubre ang ganitong gawain at tila nakakalimutan nila na ang kanilang tungkulin ay maghatid ng mga agaw-buhay na pasyente sa mga pagamutan para mabigyan ng agarang treatment.
May mga indibidwal naman minsan, na dahil kaibigan o kakilala ang may dala ng ambulansya ay makikisabay sa naturang sasakyan para makaiwas sa trapik at ang ikinakatwiran ay dadaan kasi ito malapit sa pinagtatrabahuhan.
Paalala sa ating mga kababayan na iwasan at huwag na nating naisin na gumamit o makisakay sa ganitong behikulo na para lamang talaga sa emergency.
Tandaan natin na ang ambulansya ay sasakyan na naghahatid ng mga pasyenteng may malubhang sakit o nasugatan na nangangailangan ng agarang medical treatment patungo sa isang medical facility o ospital, habang sa panahon ng emergency cases, kung saan importante ang bawat minuto, mahalaga ang kanilang papel sa pagliligtas ng mga buhay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments