Ama, may visitation right sa kanyang hindi lehitimong anak
- BULGAR
- Sep 22, 2022
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 22, 2022
Dear Chief Acosta,
Mayroon akong anak na 13-taong gulang sa una kong kinakasama. Mayroon na rin akong asawa ngayon. Nais ko sanang mabisita ang anak ko. Mula kasi noong ipinanganak siya ay hindi ko siya nakasama dahil kinailangan kong magtrabaho sa ibang bansa. Hindi ako pumapalya sa pagbibigay ng sustento, kaya laking gulat ko na lamang na ayaw ipahiram o ipakita man lamang ang aking anak ng kanyang ina. Ang naiisip ko lamang ay maaaring galit sa akin ang kanyang ina, pero tama ba na ipagkait sa akin ang bata? Wala ba talaga akong karapatan? Nakaapelyido sa akin ang bata. Sana ay mapayuhan ninyo ako. - Garison
Dear Garison,
Hindi maikakaila na ang kustodiya ng hindi lehitimong anak ay nasa kanyang ina. Ang karapatan na ito ay mananatili sa ina kahit pa kinilala ang nasabing anak ng kanyang ama at ginagamit nito ang apelyido ng huli. Ito ay alinsunod sa Republic Act No. 9255, ang batas na nag-amyenda sa Artikulo 176 ng Family Code of the Philippines na nagsasaad na:
“Article 176. Illegitimate children shall use the surname and shall be under the parental authority of their mother, and shall be entitled to support in conformity with this Code. However, illegitimate children may use the surname of their father if their filiation has been expressly recognized by the father through the record of birth appearing in the civil register, or when an admission in a public document or private handwritten instrument is made by the father. x x x”
Gayunman, ang pagbibigay ng batas sa ina ng karapatan sa kustodiya ng kanyang hindi lehitimong anak ay hindi nangangahulugang wala nang karapatan ang ama na mabisita at makapiling ang kanyang anak. Ipinaliwanag ng ating Korte Suprema sa Resolusyon nito na may petsang Marso 18, 2021 kaugnay sa kasong John Alvin L. Maningding vs. Zia Nicole C. Bersamina (G.R. No. 252476):
“It is a threshold principle that "insofar as illegitimate children are concerned, Article 176 of the Family Code states that illegitimate children shall be under the parental authority of their mother. Accordingly, mothers x x x are entitled to the sole parental authority of their illegitimate children x x x, notwithstanding the father's recognition of the child. In the exercise of that authority, mothers are consequently entitled to keep their illegitimate children in their company, and the Court will not deprive them of custody, absent any imperative cause showing the mother's unfitness to exercise such authority and care."
Notwithstanding the foregoing, a biological father's visitation right (i.e., the right of access of a non-custodial parent to his or her child or children) has been recognized as an inherent and natural right. In Silva v. Court of Appeals, the Court held:
The issue before us is not really a question of child custody; instead[,] the case merely concerns the visitation right of a parent over his children which the trial court has adjudged in favor of petitioner by holding that he shall have "visitorial rights to his children during Saturdays and/or Sundays, but in no case (could) he take out the children without the written consent of the mother x x x." The visitation right referred to is the right of access of a noncustodial parent to his or her child or children.” (Emphasis supplied)
Kung kaya’t maaari mong hilingin sa ina ng iyong anak na bigyan ka ng pagkakataong mabisita at makapiling ang inyong anak. Magiging mainam na ipaliwanag mo sa kanya na ang hinihiling mo nama’y pagbisita lamang at hindi ang kustodiya sa bata, na karapatang kinikilala ng ating mga hukuman.
Iminumungkahi namin na daanin ninyo sa maayos na pag-uusap at magkaroon ng kasunduan na angkop para sa anumang ikabubuti ng inyong anak sapagkat ang kanyang best interest pa rin naman ang dapat palagi ninyong pangunahing layunin.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments