Alok na langis ng Russia, dinedma lang ng 'Pinas
- BULGAR
- Jun 19, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | June 19, 2022
MAY krisis sa petrolyo ngayon.
Alam ba ninyong inalok ng Russia ang Pilipinas ng bultu-bultong langis nang mag-state visit si P-Digong sa Moscow noong 2017?
Pero, dinedma ito ni Energy Sec. Alfonso Cusi.
◘◘◘
KUNG mabilis ang utak, masinop at alerto si Cusi, napakinabangan sana ngayon ng Pilipinas ang “buffer stock” na iniaalok ni Vladimir Putin noon pang 2017.
Isa ito sa kahinaan at kapalpakan ng DoE.
◘◘◘
BAGAMAN hindi maiiwasan ang giyera ng Russia at Ukraine, pero ang negatibong epekto nito ay maaaring mabawasan kung may diskarte ang nauupo sa DoE.
Matabang kasi ang pagtanggap ng DoE sa alok ng Russian counterpart energy department na magbibigay-daan para makapag-ipon ang Pilipinas ng “buffer stock” na bahagi ng bilateral agreement.
◘◘◘
TINABLA lang ni Cusi ang kasunduang binalangkas ng PNOC EC na noo’y pinamumunuan ni PNOC EC President Pete Aquino at ng Rosnet Oil Company ng Russia matapos ang state visit ni Pangulong Duterte sa Moscow noong 2017.
Umaabot sa €10 billion ang ilalagak ng Rosnet Oil Company sa Pilipinas kung hindi ito tinabla ni Cusi.
◘◘◘
SINASABING ang dahilan ng pananabla ay hindi muna kasi kinonsulta ng PNOC EC si Cusi bago nakipag-usap at isinapinal ang kasunduan sa Rosneft.
Bilang secretary ng DoE ay siyang din chairman ng Philippine National Oil Company (PNOC) na tumatayong mother company ng PNOC EC.
◘◘◘
TOTOO kayang imbes na mag-courtesy resignation si Cusi, nagkakapit-tuko pa rin ang kanyang mga undersecretaries, assistant secretaries at mga hepe ng attached agencies ng DoE?
He-he-he!
◘◘◘
PORMAL nang magpapaalam si Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Marami ang malulungkot sa paglisan ni TitoSen na binansagang ‘master of rules’.
◘◘◘
MATAPOS ang 24-taon singkad, siya ay magiging ‘Citizen Tito’.
Isa siya sa mga dating taga-showbiz na nagmarka sa pulitika — at wala siyang kinasasangkutang kaso ng graft and corruption.
◘◘◘
LUTANG si TitoSen kahit ang mga bigating abogado at beteranong senador ang kanyang naging kasabayan.
Hindi siya natitinag sa floor debate at maayos niyang naipatutupad ang parliamentary procedure.
◘◘◘
NASA likuran palagi ni TitoSen sina Madame Jen, Mike at iba pang miyembro ng media group.
Malaking marka kayo sa Senado, kongrats!








Comments