Alas Girls tuloy ang historic run sa World C'ships
- BULGAR

- Aug 14
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | August 14, 2026

Photo: Pipilitin ng Alas Girls na makuha ang pinakamataas na classification match place laban sa Japan sa FIVB Worlds.
Patuloy na tatahakin ng Alas Pilipinas Girls ang makamit ang makasaysayang kampanya sa FIVB Volleyball Girls U17 World Championship sa pagpasok sa playoff round para sa ika-siyam hanggang sa ika-16 sa pandaigdigang puwesto na ginaganap sa Parque Estadio National sa Santiago, Chile.
Daraan sa matinding tapatan sa loob ng huling tatlong araw, kung saan unang masusubok kontra sa powerhouse Japan. Bagaman nahulog sa classification round matapos ilaglag ng South Korea sa iskor na 21-25, 18-25, 14-25 sa round of 16, umaasa pa rin ang Alas Girls na pinagbibidahan nina Caera Celis, Xyz Ellen Rayco, Madele Gale, Sharina Lleses, Khaira Manzano, Irish Mahinay at Nadeth Faye Herbon na makukuha pa rin ang mas magandang puwesto sa naturang kaganapan.
Lumikha ng panibagong pamantayan ang Alas Girls pagdating sa World Championship, matapos higitan ang Alas Men na tumapos ng 18th place sa FIVB Volleyball Men’s World Championship noong isang taon na ginanap sa Pilipinas.
Nagawang makakuha ng dalawang panalo ng Alas Girls sa pool plays para tumapos sa 2-3 rekord matapos talunin ang World No.8 Mexico at walisin ang No. 20 Tunisia. Kabilang sa mga koponan na nakikipagsiksikan para sa 9th hanggang 16th spot ang Peru, Argentina, Czechia, Dominican Republic, Venezuela at Poland.
Binubuo naman ang quarterfinalists ng tapatan ng USA laban sa Italy; China versus Croatia, Chinese Taipei kontra Thailand, at kakaharapin ng Turkiye ang Korea. Lumalaban naman para sa classification mula 17th hanggang 20 ang Brazil, Mexico, Spain at Tunisia, habang nasa 21st hanggang 24th ang Egypt, Puerto Rico, Chile at Algeria.





Comments