ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | November 9, 2023
Dear Maestro,
Naghiwalay kami ng mister ko dahil sa pagiging babaero niya. Kaya lang nitong nakaraang buwan, umuwi at nakiusap siya sa akin. Ang sabi niya iniwan niya na ang kerida niya at buuin na umano namin ang aming pamilya. Pero, wala na akong pagmamahal na nararamdaman para sa kanya at ang natira na lang ay pagkainis.
Ang problema ay handa raw ang mga anak ko na patawarin ang kanilang ama, lalo na ngayong napapalapit na ang Kapaskuhan.
Ayoko na siyang balikan, nadala na kasi ako sa panloloko at pambababoy na ginawa niya sa akin. Ang birthday ko ay July 16, 1986 habang October 29, 1985 naman ang mister ko.
Umaasa,
Jenilyn ng Diwa, Pilar, Bataan
Dear Jenilyn,
Nakakatuwang isipin at makita na sadyang compatible ang zodiac sign mong Cancer sa zodiac sign na Scorpio ng mister mo. Kung saan, tunay nga na ang Cancer at Scorpio ay may isang elementong tinataglay, at ito ang elementong tubig o water. Kaya kahit ano pang nangyari noon dahil sa pambabaeng ginawa ng iyong mister, malaki pa rin ang posibilidad at tsansa na muling mabuo ang inyong pamilya.
Habang sa Numerology, tulad sa zodiac sign o Astrology ay halos ganundin, kung saan, ang birth date mong 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) ay sadyang tugma at compatible rin sa birth date ng mister mo na 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2). Nangyaring ganu’n dahil ang birth date na 7 at 2 ay kapwa pinaghaharian ng planetang Moon at Neptune na sadyang compatible at tugma magsama habambuhay.
Ibig sabihin, kung bibigyan mo pa ng isa pang pagkakataon ang iyong mister, at muli mo siyang tanggapin bilang iyong asawa, muling mabubuo at liligaya ang inyong pamilya, at hindi rin imposibleng bumalik ang pagmamahal at amor mo sa kanya, basta ang mahalaga matuto kang magpatawad.
Muli mong buhayin ang pag-ibig sa iyong puso upang maganap ang nakatakda ngayong Kapaskuhan na muling mabuo at lumigaya ang inyong pamilya.
Comments