top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Alamin: Paraan upang makautang ang mga pensiyunado sa SSS

BULGAR
Jun 6, 2021
2 min read

@Buti na lang may SSS | June 6, 2021



Dear SSS,


Ako ay pensiyunado ng SSS. Kamakailan ay nabalitaan ko na mayroong pautang ang SSS para sa aming mga pensiyunado. Paano ba mag-apply dito? – Lola Chichay, Antipolo City


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Lola Chichay!


Totoong may pautang ang SSS para sa mga retiree pensioners nito o retiradong pensiyunado. Ito ay ang Pension Loan Program (PLP). Layunin ng PLP ang makapagbigay ng tulong-pinansiyal sa mga retiradong pensiyunado ng SSS sa pamamagitan ng pautang na may mababang interest. Batid nating sa panahong ito na nasa gitna tayo ng pandemya ay kailangan ninyo ng karagdagang financial assistance para sa inyong mga pangangailangang-medikal para sa inyong maintenance, atbp.


Ito ay upang maiwasan din ang pagsasangla ng ATM cards ninyo, Lola Chichay sa ating mga private lending institutions na ginagawa ng ating mga pensiyunado bilang kolateral para sa lubhang napakataas na interest na may mas mahabang loan term o pagbabayad.


Upang makahiram sa ilalim ng programang ito, kinakailangang matugunan ninyo ang sumusunod na mga kondisyon:


  • hindi dapat hihigit sa 85-anyos sa katapusan ng termino ng pautang;

  • walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensiyon, tulad ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya’y sobrang benepisyong binayaran ng SSS;

  • walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package; at

  • tumatanggap na ng regular na pensiyon na hindi bababa sa isang (1) buwan.


Halimbawa, nag-apply kayo ngayong June 2021, ang simula ng inyong pagbabayad ay sa Agosto 2021.


Samantala, para sa mga first-time applicants, Lola Chichay, ito ay kinakailangang i-file sa pamamagitan ng drop box system. Para sa renewal naman, ito ay maaari nang i-file sa pamamagitan ng online. Kinakailangan lamang na kayo ay nakarehistro sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Hinihingi rin naming ang inyong contact number o aktibong mobile number, kabilang ang iyong SSS UMID-ATM o kaya’y ang UnionBank Quick Cash Card para rito.


Mag-log in kayo sa inyong My.SSS account at magtungo kayo sa E-Services tab kung saan makikita ninyo ang “Apply for Pension Loan.” I-click ninyo ito upang simulan ang iyong aplikasyon. Sunod, piliin ang halaga ng iyong uutangin at kung gaano mo ito katagal babayaran. Sa kasalukuyan, makahihiram kayo ng hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang (2) taon. Matapos nito, i-click ang “I agree sa mga terms and conditions of the program.”


Maaari naman ninyong i-download o i-print ang kopya ng Disclosure Statement. Makatatanggap na kayo ng kompirmasyon sa pamamagitan ng e-mail o text tungkol sa iyong aplikasyon.


Papasok ang halaga ng iyong inutang sa inyong UMID-ATM o UnionBank Quick Cash Card. Sa pagkakataong kinakailangan n’yo ng tulong hinggil sa inyong aplikasyon, maaari ninyong ipakisuyo ito sa inyong apo o anak na marunong sa computer.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page