top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Alamin: Mga pagsubok na haharapin ng mga taong dadaan sa Saturn Cycle

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 26, 2023
4 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | July 26, 2023



Dear Maestro,


Isinilang ako noong January 8, 1988. Sa pagkakaalam ko ay taong otso at pure eight ako.


May birth date na 8, sa destiny number na 8 din at sa zodiac sign na Capricorn na may ruling planet na Saturn.


Ang isa ko pang gustong malaman ay ‘yung tungkol sa “Saturn cycle”. Maaari ba, Maestro, ipaliwanag n’yo kung ano ang ibig sabihin nito? Dati n’yo na naisulat ang tungkol dito, ginupit ko ito at ginawa kong koleksyon. Ang problema ay nabaha ito noong binagyo kami kaya nawala ang mga clippings ko sa mga artikulo n’yo.


Umaasa,

Leslie del Sol ng Fabrica, Lobo, Batangas

Dear Leslie del Sol,


Tama ang lahat ng tinutukoy mo, kung saan, ikaw ay nagtataglay ng birth date na 8, sa destiny number na 8 (1+8+1988=1997/ 19+97=116/ 11+6=17/ 1+7=8) at bilang Capricorn ang zodiac sign mo, na may ruling planet na Saturn. Ito ay may kaakibat na numerong 8.


Ikaw ay isang “pure eight personality”. Ang iyong personality ang kadalasang maghahari sa iyong buhay at kapalaran.


Hinggil naman sa tinatanong mong Saturn cycle. Tandaang, kahit hindi pure eight ang pagkatao mo o sabihin na nating pangkaraniwan lang ang numero at zodiac sign na tinataglay ng iyong kapalaran, wala itong exception. Lahat ng tao ay papangibabawan o dadaan sa tinatawag na Saturn cycle. Ang kaibahan nga lang ay ‘yung iba, matagal bago makaalis sa cycle na ito ni Saturno habang ‘yung iba naman ay madaling nakakaalpas sa madilim na karanasan.


Ayon kay Liz Greene, isang British author, ipinaliwanag niya sa kanyang aklat na “Astrological Counseling” kung paanong ang planetang Saturn at Uranus ay sadyang mapangwasak o sabihin nating magulo, na sa sandaling pumasok at pumirmi sa Birth Chart ng isang indibidwal. Ang planetang Saturno at Uranus ay hindi lang naman sa Birth Chart pumipirmi kundi sa mismong karanasan at kapalaran ng isang tao.


Kapag pumirmi sa Birth Chart ng isang tao ang planetang Saturno, ang tawag dito ay “The Saturn Cycle.”

Ito ang panahong humohoyo na parang bagyo, may kasama pang-ugong at hindi maipaliwanag na napakalakas na hampas ng hangin na hindi mo malaman kung saan nagmumula. Mga kamalasan, at masasalimuot na pangyayari ang magaganap.

Sa panahong ito, hindi mo alam, sinasalanta ka na pala ng planetang Saturn. Ang tawag naman dito ay “adolescence at mid-life-crisis” dahil tipikal o pangkaraniwang dumarating ito sa panahong nagdadalaga o nagbibinata ang isang tao.

“The Shadow” ang tawag dito ng psychologist na si Carl Jung. Ito ang “base material” sa terminong pang-alchemist. Kung saan, magagawa nila o malapit ng maging ginto ang lahat ng bagay sa isang patak lamang ng “base material” na ito.

Bago mangyari iyon, tulad ng kapalaran ng mga taong otso, sa “matinding pagsulak ng apoy” ang mga sangkap na gagawing ginto ay kailangan munang matunaw. Kaya tila idinadarang sa mainit na negatibong karanasan ang buhay ng isang indibidwal na dumadaan sa siklo o ang tinatawag nating Saturn cycle.

Matapos na matunaw o mawala ang lahat sa buhay mo, saka palang uunlad at liligaya ang isang nilalang na minsang kinababawan ng planetang Saturn sa kanyang Birth Chart at sa kanyang mismong karanasan.

Sabi nga ni Liz Green sa aklat na sinisipi natin, “This year may comprise a period of depression and painful self-evaluation, discouragement and difficulty.”

Ibig sabihin sa halos lahat ng kasaysayan ng buhay o tala ng kapalaran, ang bawat isa ay dumadaan talaga sa “Period of Saturn”. Halos sabay-sabay na nawawala ang iyong kabuhayan, pati na rin ang iyong pamilya at pakikipagrelasyon sa iyong asawa ay aalisin, upang pagkatapos ng madilim na karanasan ay matagpuan mo ang bagong landas na mas aliwalas para sa isang mas maligaya at masaganang karanasan.

Ibig sabihin, nandyan si Saturn sa iyong buhay, hindi lang upang bigyan ka ng sari-saring mga pagsubok at kamalasan, bagkus kung matututunan mo ang malalim na pagninilay, ang planetang Saturn ay ang magtuturo sa iyo upang lalo kang tumatag at tumibay na harapin ang susunod na hamon ng iyong buhay.

Sa madaling salita, tulad ng naipaliwanag na, dumarating talaga sa buhay ng tao na mawawalan ka ng trabaho, kaibigan, mamomroblema sa mga anak o sa iyong pamilya.


Ang hindi alam ng isang indibidwal na ipinapaalam ko na sa inyo ngayon, hindi kayo dapat maalarma sa panahong iyon, bagkus natural na nangyayaring dumadaan talaga si Saturn sa inyong kapalaran, at kapag natanggap n’yo iyan ng maluwag sa inyong puso at kalooban ng may pasasalamat at malalim na “self-evaluation”, paglisan o sa pag-alis ng planetang si Saturn sa inyong Birth Chart, tulad din ng naranasan ni Job sa Bible, “pagkatapos ng mga kamalasan, siksik-liglig at mas marami pang magandang kapalaran at mga biyaya ang magdaratingan sa iyong buhay.”

Habang ayon sa Decadens ng iyong Kapalaran, Leslie, ang paglisan o ang pag-alis ng planetang Saturn sa iyong kapalaran ay nakatakdang maganap sa taong 2025 sa edad mong 37 pataas, kung saan, sa panahong iyon, muling gaganda ang iyong career, maraming mga pagkilala sa lipunan ang iyong matatanggap, muli kang makakatagpo ng mas masaya at panghabambuhay na lovelife, at dahil wala na sa iyong Birth Chart ang planetang Saturn, tuluy-tuloy ka na ring uunlad at magiging maligaya habambuhay.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page