Alamin: Mga dapat gawin bago pumayag sa alok na kasal ni bf
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | November 11, 2023
Dear Maestro,
May boyfriend ako ngayon. Kung sakaling kami ang magkatuluyan, ano’ng kapalaran kaya ang naghihintay sa amin? Sana masagot n’yo ang aking mga katanungan, labis kasi akong nag-aalala kung dapat pa ba akong mag-asawa o ‘wag na lang? Kung ganu’n ang nakasulat sa aking kapalaran, okey lang. Ayoko rin kasing matulad sa mga kapatid ko na nahiwalay lang sa kani-kanilang asawa at ang ending sila lang ang naghihirap sa kasalukuyan nilang pamumuhay at sila lang din ang nagpapalaki ng mga pamangkin ko. Ganu’n din ang nangyari sa iba ko pang mga kaibigan na nagsipag-asawa rin. Ayokong matulad sa kanila dahil kung ako lang ang masusunod at ganu’n lang din ang sasapitin ko, mas pipiliin ko na lang tumandang dalaga habambuhay.
Ang birthday ko ay December 16, 1994 habang March 29, 1991 naman ang boyfriend ko.
Umaasa,
Maricor ng San Isidro, Angono, Rizal
Dear Maricor,
Siyempre, depende sa lalaking mapapangasawa ng isang babae ang dapat na maging basehan kung siya ba ay mag-aasawa o huwag na lang.
Sa kaso mo, Maricor, ang dapat mong pagbasehan ng iyong pagdedesisyon kung mag-aasawa ka ba o hindi, ay kung ano’ng klaseng tao ba ang boyfriend mo.
Ang isa pang halimbawa, kung matino naman ang boyfriend mo, walang bisyo, may magandang trabaho at mahal mo naman siya, ano pang kinatatakutan mo? Gayung compatible naman kayong dalawa, at ayon sa birth date mong 16 o 7 (dahil ang 16 ay 1+6=7) at sa birth date na 29 o 2 (ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2) ng boyfriend mo ay sadyang compatible naman talaga, ganundin ang zodiac sign mong Sagittarius at Aries naman ang boyfriend mo ay sadyang tugma rin sa isa’t isa, dahil kapwa kayo pinaghaharian ng elementong fire o apoy.
Pero, kung isang batugan ang boyfriend mo, walang trabaho, maraming bisyo, pangit ang background ng pamilya. Kahit na ka-compatible mo siya, hindi mo siya dapat mapangasawa dahil kung ganu’n ang ugali ng lalaking kasintahan mo, swak sa iyo ang kasabihan ng mga matatanda na “Para ka na ring kumuha ng bato na ipupukpok mo sa sarili mong ulo!”
Ganu’n ang buhay natin sa mundong ito, kilalanin mo munang mabuti ang background at ugali ng iyong nobyo bago mo siya pakasalan at pagkatapos i-apply natin ngayon ang batas ng compatibility.
Tandaan, ang unang dapat mapangasawa ng isang babae na gustong mag-asawa ay may trabaho at mabait dahil kung walang trabaho at marami pang bisyo, ano’ng ligaya kaya ang mahihita mo sa lalaking ‘yan? At siyempre mahalaga rin dapat na mahal mo siya.
Kung may trabaho naman, pero lasinggero, sugarol, babaero, at maraming bisyo, ano rin kayang ligaya ang mahihita mo sa ganyang klaseng lalaki?
Kapag tiyak mong may future ka sa kanya at mabait ang lalaking ito ang isa pang kailangan ay compatible kayong dalawa pagdating sa Numerology at Astrology upang suwabeng umusad ang isang maunlad at maligayang relasyon n’yo.
Sa matuling salita, Maricor, kung may trabaho ang lalaking sinasabi mo, matino ang kanyang pamilya o lahing pinanggalingan, wala naman siyang bisyo at higit sa lahat kung kapwa naman kayo nagmamahalan. Tiyak na ang magaganap sa susunod na taong 2024. Hindi na maiiwasan pang mabuo ang isang maligaya at panghabambuhay na relasyon na hahantong sa isang maligaya at panghabambuhay ding pagpapamilya.




Comments