Alamin: Animal signs na super-compatible sa Tigre at dapat gawin upang umunlad ang kanilang samahan
- BULGAR

- Feb 18, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | February 18, 2021
Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Tigre o Tiger ngayong Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong 1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998 at 2010, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Tigre o Tiger.
Sa pag-ibig, ganito naman umibig at magmahal ang isang Tigre, sinasabing dahil kakaiba ang kanyang ugali na medyo makasarili, kakaiba at medyo makasarili rin siya kung magmahal. Kaya kapag umibig ang isang Tigre, asahan mo nang ito ay tapat at pangmatagalan. Gayunman, kapag nagalit ang Tigre, tulad ng pag-ibig na ipinadama niya, matagal itong huhupa, kaya ang yamot at inis niya sa iyo ay maaari ring maging pangmatagalan.
Ngunit dahil may likas din namang awa at taglay na kabaitan ang mga Tigre, kapag nagmakaawa ka sa kanya at nakita niyang sincere ang paghingi mo ng kapatawaran, lumalambot din agad ang kanyang puso at habang awang-awa siya sa iyo, may tendency na bigyan ka pa niya ng donasyon at regalo upang mawala ang iyong kalungkutan.
Sa katotohanan, akala mo lang na matapang at astig ang isang Tigre, pero sa totoo lang, tulad ng nasabi na, may pusong-mamon din sila, lalo na kung ang simpatya nila ay ipupukol sa mga taong labis nangangailangan ng tulong, ‘yung tipong sobrang salat sa yaman at kapag nakakakita ng ganu’ng tao ang isang Tigre, madaling nababagbag ang kanyang loob, kaya ito ay palihim niyang tinutulungan.
Samantala, ka-compatible naman ng Tigre ang Kabayo dahil kapwa sila busy o sobrang dami ng iniisip at ginagawa, gayundin, pareho silang mahilig isabuhay ang karanasan, na kadalasang naa-attain o nakakamit naman nila. Dagdag pa rito, dahil mas umiiral ang rason at pag-aanalisa sa Kabayo, ang pagsasama ng Tigre at Kabayo ay magiging ligtas sa biglaang mali-maling desisyon o pagpapasya, na kadalasang nagagawa ng Tigre. Habang kapag nagdadalawang-isip naman ang Kabayo, tiyak na itutulak siya ng Tigre sa isang mabilis at epektibong pagdedesisyon, kaya ang kanilang pagsasama ay tiyak na magiging maunlad at mabunga.
Bukod sa Kabayo, ka-compatible rin ng Tigre ang Baboy na magbibigay ng seguridad at kapanatagan sa Tigre. Kung kilos nang kilos at kung saan-saan ang gumagala o pumupunta ang Tigre, yayayain siya ng Baboy upang manahimik at magpahinga. Habang kung sobra naman sa tulog ang isang Baboy at puro pahinga, tutulungan siya ng Tigre na bumangon at magtrabaho. Kaya naman ang pagsasama ng isang Tigre at Baboy, bukod sa balanse ay sadyang magiging maunlad talaga.
Habang ang Aso ay uunawain naman ang hindi maunawaang pagkatao ng Tigre na ubod ng lalim. Ngunit tulad ng nasabi na, kahit gaano pa kalalim ang personalidad ng Tigre, ito ay kayang-kayang unawain at maarok ng isang Aso. Dahil dito, ang pagsasama ng Aso at Tigre ay talagang magiging panghabambuhay at tunay na magiging maligaya.
Kung sadyang hinihingi ng pagkataon at hindi maiiwasan, puwede na ring pagtiyagaan ang pagsasama ng Tigre at Daga, gayundin ang Tigre at Tandang at Tigre at Kambing o Tupa. Ang mga samahang ito ay magiging maunlad at maligaya rin, higit lalo kung paiiralin ng bawat animal sign ang pag-ibig at pagmamahalan nila sa kapareha nilang Tigre, na sadyang napakahirap unawain, ngunit sa pag-ibig ay nananatili namang tapat at mapagparaya habambuhay.
Itutuloy






Comments