top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 11, 2022



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa animal sign na Water Tiger sa taong ito ng 2022.


Tulad ng naipaliwanang na, ang taong 2022 ay paghaharian ng Water Tiger, na magsisimula sa ika-1 ng Pebrero 2022. Maaaring maitanong mo kung ano ba ang mga pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Tiger ngayong 2022.


Kaya kung ikaw ay isinilang sa taong 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010 at 2022, ikaw ay mapabibilang sa animal sign Tiger.


Ang animal sign na Tiger ay siya ring Aquarius sa Western Astrology, na nagtataglay ng planetang Uranus. Dahil dito, inaasahang may malalaki at biglaang pagbabago na magaganap, hindi lamang sa mga pangyayari sa buong mundo kundi maging sa iyong kapalaran.


Kaya asahan mo na ang pagtaas at pagbaba ng graph ng pag-unlad sa aspetong pampinansiyal at materyal na bagay, ngunit muli itong aangat hanggang sa maabot mo ang rurok ng malaking kasaganaan sa buong taong ito ng 2022.


Sa pag-ibig, magkahalong ligaya at lungkot ang susundot sa iyong puso at pagkatao.


Ngunit kung matatagpuan mo ang isang tapat na Kabayo o mapagmahal at malambing na Aso, may pangako ng higit na malinamnam at matatag na pakikipagrelasyon.


Gayunman, ang pinakamapalad na oras para sa Tigre ay mula sa alas-3:00 hanggang sa alas-5:00 ng madaling-araw at mapalad din ang Tigre sa direksiyong silangan at hilagang-silangan o east-northeast.


Kaya kung ang isang Tigre ay gigising nang maaga, uunahan sa pagbangon ang Haring Araw o bandang alas-3:00 ng madaling-araw hanggang alas-5:00 ng madaling-araw, sa katahimikan ng nasabing sandali ay isasagawa na agad ang malalim na meditasyon o pagninilay, kasabay na ilalahad (affirmation) ang kanyang mga pangarap at nais matupad ngayong 2022, tiyak na ito ay maririnig ng langit. Kaya naman walang pagsalang ang mga dinasal at hiniling mo sa nasabing oras ay tiyak na mangyayari at matutupad.


Sa pagdidispley naman ng mga pigura o nililok na bagay na yari sa kahoy sa gawing east at northeast ng kanilang silid, tahanan o business site, tiyak na papalarin ang Tigre.


Samantala, pinaniniwalaan ng mga sinaunang Chinese Astrologers na bagama’t mahirap pakisamahan at unawain ang isang Tigre, kapag ikaw ay may kasamang Tigre sa inyong tahanan, walang duda na maiiwasan ng nasabing bahay ang tatlong pangunahing sakuna; sunog, pagnanakaw at bad elemental beings. Ibig sabihin, kapag may isang Tigre sa bahay, tiyak na walang magnanakaw, hindi masusunugan at hindi rin dadalawin ng multo o anumang bad spirit ang nasabing tahanan.


Isa sa likas na katangian ng Tigre ang pagiging aligaga, ibig sabihin, palagi siyang parang nagmamadali at maraming ginagawa, pero halos wala namang natatapos. ‘Yun na kasi halos ang likas na buhay ng isang Tigre, ang kumilos nang kumilos, maghabol ng oras at palaging magmadali.


Kaya naman kung matututunan ng isang Tigre na i-manage nang mabuti ang kanyang oras, aktibidades at schedule, hindi lamang sa buong isang linggo o buwan kundi kahit man lamang sa isang araw sa isang taon, walang duda na siya ay higit na magtatagumpay at mas maraming gawaing matatapos.


Sinasabi ring ang isa pang katangiang dapat na isaalang-alang ng Tigre ay ang pagiging mabilis magpasya. Kaya naman minsan ay nawawala sa lugar ang kanyang mga ikinikilos, proyekto at inaaturga. Gayundin, pinaniniwalaan na kung matututunan ng Tigre ang ugali ng kaibigan niyang Tandang na mahusay magplano at bago gawin ang isang bagay ay maingat at pinag-iisipang mabuti, matitiyak na ang magiging reasulta ay matumpay, mas masagana at maligayang buhay para sa Tigre.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 08, 2022



Maraming mambabasa natin ang nagtatanong kung ano ang magiging kapalaran nila ngayong Year of the Water Tiger, gayundin kung ano’ng kulay at elemento ang iiral at magiging masuwerte ngayong taon.


Sa pagkakataong ito, sisimulan natin ang Forecast 2022 upang malaman n’yo kung ano ang magiging dulot ng taon ng Water Tiger sa ating buhay, gayundin upang malaman ang inyong magiging kapalaran sa susunod pang mga buwan.


Gayunman, ang tatalakayin natin sa isyung ito ay ang masuwerteng elemento, pandispley at kulay sa taong ito. Ang Year of the Water Tiger ay iiral sa unang araw ng Pebrero 2022 o ikalawang New Moon ng taong 2022.


Alalahaning may dalawang mahalagang elementong iiral kasabay ng animal sign na Tigre at ito ay water at ang likas na elemento ng Tigre na wood o kahoy.


Dahil dito, ang masuwerteng kulay ngayong 2022 ay ang kulay ng tubig, na ayon sa sinaunang Chinese Elemental Astrologers, ang water ay may kulay na black o itim. Ito ang pangunahing pampasuwerteng kulay na maaaring gamitin at isuot sa taong ito.


Bukod sa black o itim, pinaniniwalaan ding ang kulay ng tubig ay colorless ngunit nagiging asul dahil sa repleksyon ng langit sa karagatan, kaya ang ikalawang masuwerteng kulay sa taong ito ay ang lahat ng shade o uri ng blue o asul.


Huwag din kalilimutan na ang wood o kahoy na ikalawang elemento ngayong 2022, tulad ng mga punong-kahoy at halaman ay may likas na kulay na green o berde, kaya ang ikatlong mahalagang kulay na magbibigay-suwerte at magagandang kapalaran sa taong ito ay ang kulay na green o berde.


Dagdag pa rito, tulad ng nasabi na, dahil ang year 2022 ay under ng elementong water at wood, napakainam at napakasuwerte ring magdispley sa sala o entrada ng ating bahay ng aquarium na may siyam (9) na isda, maaaring isang (1) pula at walong (8) itim ang kumbinasyon o vice-versa.


Ang nasabing pandispley ang hahatak ng salapi at maligayang relasyon at pagmamahalan sa buong pamilya.


Bukod sa aquarium at iba pang mga bagay na may tubig, mapalad ding pandispley ang mga bagay na nililok, ginawa o niyari sa kahoy. Mientras antique o de-kalidad ang kahoy na gagamitin sa pandispley sa bahay, maaari ring sa opisina o business site, tiyak na mas maraming pera at kasaganaan ang hihigupin ng nasabing pandispley.


Bukod sa nasabing mga kulay at elemento, alalahanin din na ang animal sign na Tigre sa Chinese Astrology ay Aquarius sa Western Astrology, kung saan ang Aquarius ay may ruling planet na Uranus, Saturn at co-ruler niya rin ang Sun. Dahil dito, ang Aquarius o Tigre ay magiging mapalad sa kulay ng Araw, at ito ay ang kulay na yellow o dilaw.


Upang higit n’yong maunawaan ang hiwaga at lihim ng Chinese Elemental Astrology sa kumbinasyon ng Western Astrology, narito ang mga kaparehong zodiac sign sa Western Astrology ng mga animal sign sa Chinese Astrology na nagsisimula sa Rat o Daga.

  • Rat o Daga - Sagittarius

  • Ox o Baka - Capricorn

  • Tiger o Tigre - Aquarius

  • Rabbit o Kuneho - Pisces

  • Dragon - Aries

  • Snake o Ahas - Taurus

  • Horse o Kabayo - Gemini

  • Sheep o Tupa - Cancer

  • Monkey o Unggoy - Leo

  • Rooster o Tandang - Virgo

  • Dog o Aso - Libra

  • Boar o Baboy - Scorpio


Ibig sabihin, may 12 animal signs sa Chinese Astrology o Animal Constellation na nakita ng mga sinaunang Astrologists sa China sa kalangitan at ang animal signs na ito ang nakita naman ng Western Astrologers sa kanluran, kung saan nakaiba lang sila ng cycle o ikot at pangalan.


Sa Chinese Astrology, taunan ang pagdating at pag-ikot ng animal signs, habang sa Western Astrology naman ay monthly o buwanan ang pag-ikot ng 12 zodiac signs.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | June 29, 2021



Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018 at 2030, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Dog o Aso.


Ang Aso ay lubhang maramdamin at masikreto sa panahong nararamdaman niyang hindi dapat pagkatiwalaan ang mga taong nasa paligid niya. Dahil dito, bihira lang ang nakakapansin na may mga sandali na labis na nalulungkot at nadi-depress ang Aso nang hindi niya ito ipinakikita sa mga taong nakapaligid sa kanya.


Kaya kadalasan, kapag naiinis na siya sa mundo, dahil nararamdaman niyang walang dapat pagkatiwalaan sa mga nasa paligid niya, kung hindi magmumukmok sa isang sulok, handa na ring umangil at lumaban ang Aso upang maproteksiyunan ang kanyang pribadong buhay.


Pero sa totoo lang, bihira itong gawin ng Aso dahil ayaw niyang makipag-away dahil alam niyang sa paraang ito ay bumababa lang ang kanyang pagkatao. Kapag ang Aso ay nakipag-away o nakipagdiskusyon, hindi niya talaga gusto ito, sa halip ay napilitan lamang siya dahil sa hindi maiiwasang sitwasyon. Ngunit pagkatapos nito, sa kanyang pag-iisa ay pinagsisihan ng Aso kung bakit siya pumasok sa nasabing gulo at kung siya lang talaga ang masusunod ay hindi na niya ito uulitin. Sapagkat tulad ng nasabi na, mahal na mahal ng isang Aso ang pribado at masayang pamumuhay kapiling ang kanyang mga mahal sa buhay.


Kaya napakahalaga sa Aso na maipakita sa kanya ang tunay na pagmamahal at pagkalinga dahil kapag ganitong environment ang ipinadama mo sa kanya, tiyak na magiging masigla, productive at successful ang magiging buhay at karanasan niya.


Ang isa pang ikinaganda sa ugali ng Aso, kung sakaling magalit siya sa iyo o nagkaroon kayo ng tampuhan, ito ay hindi naman panghabambuhay dahil bukas ang loob niya na madaling magpatawad at lumimot sa mga pagkakasala o pagkakamali na nagawa mo sa kanya. Basta ang mahalaga, maramdaman niya na kinakalinga mo siya at hindi nawawala ang pagmamahal mo sa kanya.


Gayunman, bukod sa pagiging malihim at palaging naghahangad ng magmamahal at papansin sa kanya, kilala rin ang Aso sa pagiging makuwento. Kumbaga, mahilig siyang magbida at habang ibinibida niya ang kung anu-anong bagay, doon siya nakadarama ng maluwag na damdamin at lihim na ligaya. Sa parte mo naman, bilang kaibigan ng Aso, wala kang dapat gawin kundi ang pakinggan at i-encourage siya upang magkuwento nang magkuwento. Kapag ganu’n ang sitwasyon, tiyak na magiging maligaya siya at habambuhay kayong magiging mag-best friend.


Dagdag pa rito, ang isa pang pangunahing ugali ng Aso na hindi mo maunawaan kung maganda ba ito o hindi ay ang hindi sila materialistic, kaya bihira sa kanila ang yumayaman nang todo. Dahil likas sa kanila ang pagiging mapagbigay at tumulong, imbes na ipon na nila ay nagagawa pa nilang ipahiram o ipautang sa mga nangangailangan. Kaya ang kadalasang nangyayari, kapag hindi nakabayad ng utang ang mga taong pinagkatiwalaan nila, tulad ng pangkaraniwang tao ay sumasama ang loob ng isang Aso sa nasabing kaibigan o kakilala na hindi nakabayad ng utang.


Gayunman, ang ipinagkaiba ng Aso sa mga taong nagpapautang na hindi nababayaran, paglipas ng panahon, bola-bohalin at purihin mo lang ang taglay niyang ganda at kabaitan, kahit may mga dati kang utang sa kanya, malamang na muli ka niyang pauutangin. Tunay ngang ganu’n kabait at kadalisay ang puso at kalooban ng Aso, kaya minsan ay nasasabihan siya ng mga taong malalapit sa kanya na madali siyang mauto at maloko ng mga taong mapagsamatala.


Hindi rin alam ng Aso ang sagot, pero isa lang ang alam niya— siya ay tunay na maawain at mapagmahal sa mga taong alam niyang walang maaasahan at labis na nangangailangan.


Itutuloy


 
 
RECOMMENDED
bottom of page