Alam n'yo ba 'yun?... Kalungkutan at pagka-miss sa pamilya, kalaban ng OFWs tuwing holiday season
- BULGAR

- Dec 28, 2020
- 4 min read
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 28, 2020

Ang bilis ng mga araw, bilang isang Overseas Filipino Worker ay parang kailan lang ang dalawang taon na kontrata ay pangalawang Pasko mo na pala riyan sa ibang bansa na pinagtatrabahuhan mo at heto nga Pasko na naman, kaya lamang ay panahon ng pandemya.
Kung naalala mo man iyong dating simpleng pagsasalu-salo ninyo ng loveones sa Noche Buena, pamamasyal kahit sapat lang ang budget, nagsisimba nang sabay-sabay ng buong pamilya habang suot-suot ninyo ang mga bagong damit na binili pa sa Divisoria ay hindi ba talagang nakaka-miss nang sobra lalo na’t nakasanayan mo na iyan noon pa bago ka nagtungo diyan sa ibang bansa?
Pero paano kung isa ka nang contract worker na kung hindi man mapayagan ng employer na magbakasyon ngayong Pasko o kaya ay dahil nag-aaral ka at marami ka pang dapat tapusin para makasama ang pamilya ay mas pipiliin pang manatili roon na mag-isa at idaos ang Pasko na puro tawag lang sa telepono, text at chat ang matatanggap mula rito sa Pilipinas.
Pambihira ka rin naman, ano, tiniis mo ang lahat na hindi makasama ang mga mahal sa buhay na naghihintay sana sa iyong pag-uwi dahil sobrang nami-miss ka nila, lalo na ang mga magulang mong may edad na at sabik na sabik kang makita, maging ng asawa at anak mo na mayakap ka pero nariyan ka pa rin.
Mas pinili mong unahin ang trabahong hindi puwedeng iwanan na bukod diyan ay nariyan din ang panghihinayang mo na gumastos nang malaki lalo’t alam mong ‘di lang ang mga anak mo ang naghihintay sa’yo kundi maging ang iba mo pang mga kapatid na kalabit-penge rin ang ugali.
Hayyy, anong lungkot naman na sa kabila ng kanilang kasabikan na makasama ka at alam naman nilang may naipon ka naman ay may sapat kang halaga para makauwi at makapag-ambag man lang sa kanila ng konting pasalubong para sa noche buena ay hindi mo pa nagawa.
Kunsabagay, naiintindihan ka na namin sa isang banda dahil may pandemya na talagang para sa pag-iipon nang malaking pera ang pakay mo kaya ka nag-abroad at nagtrabaho sa bansang iyan para mapaginhawa mo ang iyong pamilya.
Marahil ay hahayaan mo na lang siguro na malungkot ang mga anak at asawa mo na habang sa ilang magkakasunod na Pasko ay hindi ka man lang nila nakakasama. Manikip na lamang ang kanilang mga dibdib sa inggit sa ibang pamilya na nakikita nilang kumpletong nagsisimbang-gabi, nag-aawitan sa karaoke, nagki-christmas party, kahit na hindi masamahan ang mga anak papunta sa kanilang mga ninong at ninang at magkakatulong na sumasalubong at hinahandaan ng makakain ang mga bisita sa araw ng Pasko dahil bawal pa rin ang sama-sama dahil sa COVID-19.
Sakripisyo ka na lang ba na damhin ang lamig ng mga niyebe sa ganitong Kapaskuhan at tanawin ang mga kumukutitap na Christmas lights mula sa nagyeyelong Christmas tree ng iyong kapitbahay, na hindi maka makalabas dahil sobrang lamig at kapal ng yelo sa kalye at tanging si Santa Claus na nakatayo sa isang gilid ang kasama mo sa Bisperas ng Pasko?
Sige, naiintindihan ka na namin. Kung nalulungkot man ang pamilya mo rito sa Pilipinas, higit na doble ang ganyan mong nararamdaman dahil diyan sa ibang bansa ay lockdown din at kahit ang mga kaibigan ay hindi rin nakakalabas ng bahay, may sarili silang mga pamilyang gusto bilang lang sa daliri ang makapiling sa araw ng pagmamahalan, pagbibigayan at pagsasama-sama.
Alam din namin kung gaano kahirap ang kalooban mo sa araw-araw na iyong pagtatrabaho ay iniisip mo kung paano pagagandahin ang buhay ng iyong mga anak, mapagtapos mo sila sa kanilang pag-aaral, mapaayos mo ang inyong bahay na kubo lamang at nasa gilid pa ng riles ng tren, ang mabigyan ng sapat na puhunan ang iyong asawa para makapagsimula ng kanyang pangarap na negosyo at ang makapag-ipon ng malaking halaga para sa mas magandang kinabukasan ng iyong pamilya.
Kunsabagay, sa totoo lang, mahirap din na basta ka na lang gagastos habang hindi pa naman gayon kalaki ang iyong naiipon. Alam mo naman dito sa atin, kapag may galing abroad, akala ng kaanak o kaibigan ay marami nang dalang pera kaya ka binibisita at kinukulit ng pasalubong.
Ang hindi nila alam, kaya biglang napapauwi rin ang isang OFW ay dahil may problema sa trabaho o kaya ay nagsara ang kumpanyang pinapasukan.
Kung makauuwi ka naman ay konting tipid din dahil kapag pinuntahan ka ng isang kakilala, tiyak na may kasama iyan, kung hindi pinsan, pamangkin, tiyuhin o tiyahin at mga kaibigan. Masarap na medyo stressful dahil alam mo na kailangan mong paghandaan ang ganyang senaryo.
Pero kung talagang hindi ka uuwi, lunukin mo na lang ang pait ng eksenang ganyan talaga ang kinakaharap na buhay at lungkot ng mga overseas workers. Iyong marinig mo kasi ang mga awiting Pamasko na talaga namang nagpapaalala ng iyong buhay na masaya kasama ng buong pamilya sa Pilipinas, tapos ay heto’t nag-iisa ka, nakatanaw lang sa bintana habang umuulan ng niyebe, tinitingnan lang ng may paghanga ang isang di naman kumikibong Christmas tree at mga dekorasyon diyan, kahit gaano pa kakulay ang kapaligiran ay parang walang buhay at walang saysay ang mga makikinang na kutitap ng ilaw sa buong bahay kung wala namang init ng pagmamahalan, halakhakan at tawanan ang umiibabaw.
Pipilitin mo na lang siguro na burahin sa isipan mo na masarap ang pagkaing Pamasko na tinitikman mo habang iniisip mo kung kumusta na kaya sila sa Pilipinas? Nakakakain din kaya sila ng masarap na tulad ng kinakain mo? Sana’y natitikman din nila ang pagkaing ganito kung nandoon ka lang sana.
Kung sakripisyo ang pinairal mo na hindi ka umuwi, how much more ang nadarama ng loveones mo rito. Ang halaga ng Pasko ay pagmamahalan, iyong pag-aalala nila sa iyo at panalangin ay sapat nang gawin nila dahil wala ka rito. Malayo ka man sa iyong mga mahal sa buhay, punuin mo na lamang ang iyong isipan at damdamin na kasama mo ang mga taong mahalaga sa iyong buhay kahit wala sila sa tabi mo, ligtas sila at maayos ang kanilang kalusugan ang mahalaga.
Iyang kasabikan mo rin at kalungkutan na makasama sila ay sapat nang tanda ng iyong pagmamahal sa kanila at unti-unting maunawaan ang sariling buhay bilang isang OFW.








Comments