Alalay ng LGUs, kailangan sa information drive sa SIM Registration
- BULGAR
- Dec 22, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | December 22, 2022
Matapos maging ganap na batas ang Republic Act No. 11934 o Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act, kani-kanyang paghahanda na ang mga ahensya ng gobyerno, gayundin ang publiko upang tumalima sa pagpaparehistro ng kanilang SIM.
Gayunman, hinimok ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang local government units (LGUs), lalo na ang mga nasa malayong lugar na magsagawa ng information drive kaugnay sa SIM Registration Act.
Binigyang-diin ng kalihim na responsibilidad ng LGUs na ipaalam sa kanilang mga residente ang batas na kailangang iparehistro ang kani-kanilang SIM cards.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang RA No. 11934 noong Oktubre, na naglalayong labanan ang text scams mula sa mga unidentified SIM card.
Ilang araw na lang ay magsisimula na ang pagpaparehistro ng mga SIM card. Habang may mga kababayan tayong naghahanda nang magparehistro, marami pa ring nagdadalawang-isip. Marahil ay may pangamba pa dahil kakailanganing ibahagi ang kanilang mahahalagang impormasyon.
Gayunman, naniniwala tayo na magandang hakbang ang pagsasagawa ng information drive tungkol sa batas dahil mahalagang maipaunawa sa ating mga kababayan ang layunin at kahalagahan nito.
Pero siyempre, hindi ito basta magagawa. Higit nating kailangan ang alalay ng mga lokal na pamahalaan dahil batid nating mas madaling naaabot ng LGUs ang kanilang mamamayan.
Kung magiging matagumpay ang information drive tungkol sa batas, lalakas ang tiwala ng taumbayan na ligtas ang kanilang mga impormasyon. Sa ganitong paraan, mas madaling maipatutupad ang batas at tuluyang matutuldukan ang mga krimen na naisasagawa sa pamamagitan ng hindi rehistradong SIM.
‘Ika nga, simula pa lamang ito ng pagtugon sa mga krimen na nagawa sa pamamagitan ng text scam. Inaasahan natin ang kooperasyon ng bawat isa dahil ito ay para sa ikabubuti ng lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments