Alalay ng kapulisan at mental health experts sa mga estudyante
ni Ryan Sison @Boses | Enero 28, 2023
Bunsod ng sunud-sunod na insidente ng karahasang nagaganap sa mga paaralan, kumilos na ang Department of Education (DepEd) habang target na palakasin pa ang kanilang mga programa kaugnay ng mental health issue ng mga estudyante pati na rin ang seguridad ng mga ito.
Ito ang naging tugon ni DepEd Spokesperson Michael Poa upang agad na masolusyunan ang mga nasabing problema sa school level pa lamang.
Aniya, naniniwala ang ahensya na ang mga nangyayaring insidente sa mga paaralan ngayon ay may kaugnayan sa mental health issue ng mga estudyante.
Plano na ng DepEd na kumonsulta at kunin ang serbisyo ng mga mental health experts at advocates upang bumalangkas at makabuo ng mga epektibong programa na malaking maitutulong sa mga kabataan na nakararanas ng mental health problem.
Nabatid na ipinag-utos na rin ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte sa kanilang Field Operations at undersecretaries na mag-isyu ng isang direktiba para sa lahat ng Regional Offices (ROs) at School Division Offices (SDOs) na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) upang tukuyin ang mga eskuwelahan na kailangan ng ‘security check’ o spot inspections ng mga armas sa mga mag-aaral, banggit ni Poa.
Magugunitang noong nakaraang linggo, isang 13-anyos na estudyante ang namatay matapos saksakin ng kaklase sa Culiat High School sa Quezon City.
Noong nakalipas na araw, isang 19-anyos ang nai-report na nag-suicide umano sa campus ng University of the East sa Caloocan City.
Gayundin, isang 12-anyos na lalaki ang nasawi makaraang aksidenteng mabaril ang sarili sa palikuran ng kanilang paaralan nang mailusot nito ang service firearm ng kanyang amang pulis sa San Jose del Monte, Bulacan.
Panahon na para masolusyunan ang ganitong problema sa mga estudyante at kabataan. Hindi mainam na nai-expose sila sa mga karahasan at kaguluhan dahil madali itong naipapasok at naitatanim sa kanilang murang isipan.
Mas magandang maging abala sila sa mga programa na makakatulong sa pag-unlad ng kanilang pagkatao at ma-develop pa ang tinatahak na karera ng mga estudyante.
Sa ating mga magulang, palagi nating alamin ang pangangailangan ng ating mga anak, maging ito man ay pinansiyal o emosyunal. Maging bukas dapat tayo sa kanila at may oras na inilalaan para hindi sila makakaisip ng anumang negatibo sa buhay.
Sa kinauukulan, dagdagan pa sana ang maibibigay na mga programa at proyekto para sa mabuting kamalayan ng mga kabataan dahil kapag may malusog na kaisipan, uunlad ang kapaligiran.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments