by Info @Brand Zone | Sep. 30, 2024
Alam nyo bang nananatili ang pneumonia na isa sa mga nakamamatay na sakit sa bansa? Lalo na sa mga batang mababa sa limang taong gulang. Dagdag pa ang mahal na gamutan na umabot sa higit P600 milyon ang nagastos ng mga pasyente noong 2012.
Kaya naman ang High-risk Pneumonia ay isa sa mga sakit na binigyang prayoridad ng PhilHealth na mapalawak ang saklaw ng pagbabayad. Ito ay isa sa mga naunang benepisyong pinalawig ng PhilHealth simula pa December 2023.
Sa pagpapalawak ng PhilHealth sa coverage ng pneumonia high-risk, matutulungan nito ang ating mga kababayan na makararanas ng sakit na ito. At babayaran sa pamamagitan ng case-based payment. Sakop ng pagbabayad ang mga dapat ibigay ng ospital ng kaukulang serbisyong medikal.
Ngayon ang benepisyo para sa pneumonia high-risk case rate ay tumaas ng halos 182% na ngayon ay P90,100 mula sa dating P32,000. Saklaw ng pakete ang minimum standards of care, kabilang dito ang mga serbisyo at gamot na kailangan para sa pneumonia high-risk, pati bayad sa kwarto at professional fee ng duktor ay kasama na sa package.
Maaari lamang magkaroon ng out-of-pocket payment o dagdag- bayad ang pasyente kung siya ay gagamit ng mga serbisyong hindi saklaw ng minimum standards of care. Sisingilin din ang pasyente ng karagdagan kung pipili siya ng ibang physician para gumamot sa kaniya. Ang mga ito ay dapat ipaliwanag ng ospital ng pasyente para maiwasan ang kalituhan kapag lumabas na ang final bill ng pasyente.
Kasama rin sa mababayaran kung na-confine ang miyembro sa abroad base sa natitirang balanse na hindi covered ng ibang insurance pero ito ay hindi dapat lumagpas sa halaga ng case rate na nakasaad sa polisiya.
Ang pinataas na benepisyong ito ay para masigurong maibigay sa mga pasyente ang nararapat na kalinga sa kanila sa wastong halaga. Para maiwasan na rin natin iyong mga labis na paggastos sa paggamot.
Ang PhilHealth ay patuloy parin para sa iba pang nakaambang pagpapalawak ng mga serbisyo at benepisyo.
Para sa detalye, tumawag sa 24/7 (02) 8662-2588
PhilHealth Your Partner in Health / BAGONG PILIPINAS
Comments