Labor Arbiter: Hindi empleyado ang Cebu riders ng Delivery Hero
- BULGAR

- 2 hours ago
- 1 min read
by Info @Press Release | March 12, 2026

Ibinasura ng Labor Arbiter sa Cebu City ang mga reklamong isinampa ng 16 na delivery riders laban sa Delivery Hero Logistics Philippines, Inc. (DHLPI), matapos mapagtibay na walang umiiral na employer-employee relationship sa pagitan ng mga partido.
Inilabas ang Desisyon noong Enero 29, 2026 kung saan kinilala ng Labor Arbiter na ang mga nagreklamo ay hindi mga empleyado ng DHLPI kundi mga independent service provider.
Binigyang-diin sa desisyon ang kawalan ng kontrol ng kumpanya sa paraan ng pagtatrabaho ng mga rider. Ang mga alituntunin sa paggamit ng platform, delivery protocols, at service standards ay itinuring na mga operational safeguards lamang upang matiyak ang kalidad ng serbisyo, at hindi patunay ng managerial control.
Sa pagsasaalang-alang sa iba pang elemento ng four-fold test, binigyang-diin ng Labor Arbiter na kusang pumasok ang mga rider sa freelance arrangement, binabayaran batay sa mga natapos na delivery at hindi sa nakapirming sahod, at napapailalim lamang sa mga kontraktuwal na kahihinatnan tulad ng paglimit ng access sa app o pagwawakas ng kontrata—hindi sa disiplinaryong pagtanggal bilang mga empleyado.
Ayon pa sa Labor Arbiter, malaya ang mga rider na pumili kung kailan sila magla-log in, tatanggap o tatanggi ng delivery requests, at makipagtrabaho sa iba pang delivery platforms. Ang kabayaran ay batay sa mga natapos na delivery, at sariling sasakyan at kagamitan ang ginagamit ng mga rider.
Dahil sa kawalan ng employer-employee relationship, ipinasiya ng Labor Arbiter na walang hurisdiksyon ang National Labor Relations Commission sa mga reklamong isinampa. Dahil dito, idinismiss ang pinagsama-samang mga kaso dahil sa kawalan ng merito at hurisdiksyon.




Comments