Alagaan at tulungan ang atleta, mandato ng PSC
- BULGAR

- Aug 19, 2020
- 2 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | August 19, 2020

Humiling ng pagkakaisa at pag-uunawa sa lahat si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez sa gitna ng kasalukuyang krisis sa kalusugan. Nilinaw niya na ginagawa ng ahensya ang lahat para matupad ang kanilang mandato na alagaan at tulungan ang mga pambansang atleta sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Online Forum noong Martes ng umaga.
Parating na ang inaasahang tulong sa pamamagitan ng Bayanihan Act II na isinulong sa Kongreso. Noong mga nakaraang buwan, hindi natanggap ng buo ng mga atleta ang kanilang allowance at ang bagong batas ay nakikitang sagot sa suliranin na ito.
Umaasa din ang PSC na bumalik sa operasyon ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at mabalik ang kontribusyon nito sa National Sports Development Fund. Sa mga nakalipas na buwan, nabuhay ang PSC sa pamamagitan ng mga naitabi nitong mga pondo.
Inamin ni Chairman Ramirez na malaking problema ang nilikha ng payroll scam kamakailan kung saan may nahuling kawani ng PSC. Nakikipag-ugnayan na sila sa National Bureau of Investigation (NBI), Department of Justice at Office of the Solicitor General upang mapanagot ang mga nasasangkot at mabawi ang nawalang salapi na tinatayang umabot ng P14 milyon.
Bago pa lang pumutok ang pandemya ay may plano na ang PSC na magbawas ng mga kawani lalo na ang mga contractual. Subalit biglang nagbago ng pasya si Chairman Ramirez bilang pag-unawa sa mga apektado.
Pagdating sa ensayo ng mga atleta, lalo na ang mga maglalaro at nais maglaro sa Tokyo Olympics, nililinis na ang Rizal Memorial Sports Complex. Ang mga non-contact sports ang uunahin at maghahanda ng mga protocol para sa contact sports.
Mahalaga rin para kay Chairman Ramirez na makabalik ang mga liga tulad ng PBA, PFL at PSL pero sarado muna sa publiko. Kailangan ng mga atleta na masanay sa kanilang bagong environment sa ilalim ng new normal.
Nanawagan din siya sa mga paaralan na kung maaari ay huwag muna alisan o itigil ang pagiging iskolar ng kanilang mga atletang mag-aaral bilang tulong.
Masaya din ang PSC sa mga positibong balita na pumapasok sa mga nakaraang araw tulad ng mga tagumpay ni golfer Yuka Saso at pole vaulter EJ Obiena. Isama din ang paggawad ng Pierre de Coubertin Fair Play Award kay sufer Roger Casugay na humingi ng pahintulot lumakbay patungong Monaco upang personal na tanggapin ang kanyang karangalan.





Comments