top of page

Akusadong tumaga sa nang-amok, pinawalang-sala

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 2
  • 4 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 2, 2025



ISSUE #371



Noong gabi ng Hunyo 22, 2021, sa payapang Brgy. Rio del Pilar sa bayan ng Glan, Sarangani, nabasag ang katahimikan at napalitan ng galit at takot. 


Isang lalaki na itago na lamang natin sa pangalang “Rjay,” ang humarap sa kanyang lasing na kapitbahay, na tawagin natin sa pangalang “Dindo” — at nauwi ito sa kamatayan ng huli. Ngunit sa harap ng batas, ang mahalagang katanungan: ito ba ay isang sinadyang pagpatay, o isang desperadong pagtatanggol sa sarili?


Sa kasong People v. Bantillok (Criminal Case No. 02429-xx, Regional Trial Court, Branch 38, Alabel, Sarangani, 25 Abril 2025, sa panulat ni Honorable Presiding Judge Precious Aurea L. Pojas), ating balikan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Dindo — hindi niya tunay na pangalan, at kung paano ang daing ng ating kliyente, na itago na lamang natin sa pangalang alyas “Rjay,” ay pinal na natuldukan nang siya ay mapawalang-sala sa kasong Homicide, kaugnay ng naturang insidente.

Sinuri ng nasabing hukuman ang lahat ng salaysay at ebidensya upang sagutin ang mahalagang tanong: sapat ba ang ipinakitang ebidensya upang idiin si alyas Rjay sa pagkamatay ni Dindo?


Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay ayon sa paglalahad ng hukuman. 


Ayon sa Information na isinampa, dakong alas-9:30 ng gabi noong Hunyo 22, 2021, sa Purok Bilvisma, Brgy. Rio del Pilar, Glan, Sarangani, si alyas Rjay ay kinasuhan ng Homicide sa ilalim ng Artikulo 249 ng Revised Penal Code. Ayon sa tagausig, armado ng bolo, sinadyang atakihin at tinaga sa batok si Dindo, dahilan ng kanyang agarang kamatayan.


Ngunit ayon sa depensa, hindi iyon isang krimen — kundi isang likas na tugon ng isang taong binantaang papatayin sa mismong tapat ng kanyang pintuan.

Batay sa mga salaysay ng mga saksi, kabilang sina Mariz, mga pulis na rumesponde, at Angel, binuo ng hukuman ang larawan ng gabing iyon.


Ayon sa mga pangyayaring inilahad ng hukuman batay sa mga salaysay ng mga saksi, lasing si Dindo nang dumating sa bahay ni Angel. Nakahubad maliban sa kanyang brief at may hawak na dalawang bolo — isa sa bawat kamay. Malakas siyang sumigaw sa labas ng bahay ni Rjay ng, “Rjay, gawas dira kay patyon taka!” (Rjay, lumabas ka r’yan dahil papatayin kita!)


Lumabas si Rjay at ipinaliwanag na hindi pa niya kayang magbayad ng utang. Ngunit sa halip na makinig, itinapon ni Dindo ang isa sa mga bolo sa kanya at agad siyang sinugod. Dahil sa matinding takot, pinulot ni Rjay ang bolong itinapon at ginamit ito upang ipagtanggol ang sarili. Sa kaguluhan ng pagtatalo, isang taga sa batok ang tumapos sa buhay ni Dindo.


Hindi tumakas si Rjay matapos ang insidente. Sa halip, nanatili siya sa bahay ni Angel at kusa siyang sumuko sa mga pulis nang dumating ang mga otoridad.


Matapos ang paglilitis at sa tulong ng Public Attorney’s Office sa pamamagitan ng isang manananggol pambayan, na si Atty. Janet B. Jamerlan, Public Attorney II, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Rjay.


Sa kasong ito, aminado si Rjay na siya ang nakapatay, ngunit iginiit niyang ito ay bunga ng pagtatanggol sa sarili o self-defense. Hinggil dito, ang naging pangunahing tanong sa korte, naitaguyod ba ni Rjay ang tatlong rekisito ng self-defense?


Ayon sa hukuman, ang tatlong rekisito ng self-defense ay ang mga sumusunod:

  • Merong unlawful aggression sa panig ng biktima

  • Merong reasonable necessity sa ginamit na paraan ng depensa

  • Walang sapat na provocation mula sa akusado


Una, ayon sa korte ay merong Unlawful Aggression. Dito, walang alinlangan na si Dindo, lasing, armado, at galit ay nagsagawa ng aktuwal at kasalukuyang agresyon. 


Batay sa kasong People v. Endaya (G.R. No. 225745, 28 Pebrero 2018), ang unlawful aggression ay kailangang tunay at kasalukuyang nagbabanta sa buhay. 


Sa kasong ito, nakita ng hukuman na ang pananakot ni Dindo habang may hawak na dalawang bolo ay hindi maituturing na kathang-isip sapagkat ito’y tunay at agarang panganib.


Pangalawa, merong reasonable necessity sa ginamit na paraan. Tinukoy ng korte na makatuwiran ang ginamit na paraan ni Rjay. Siya ay walang armas nang una siyang harapin ni Dindo, at sa gitna ng biglang pag-atake ay pinulot lamang niya ang bolo na itinapon sa kanya.


Sa mga salita ng Korte Suprema sa People v. Lara at People v. Camillo (G.R. No. 260353, 08 Pebrero 2023), “ang taong kaharap ang agarang panganib ay hindi inaasahang mag-isip nang kalmado at magtimbang ng eksaktong proporsyon ng depensa.” Hinggil dito, hindi maaaring sabihing sobra ang ginawa ni Rjay, sapagkat kung hindi niya ginawa iyon, maaaring siya ang naging bangkay kinabukasan.


At panghuli, walang sapat na probokasyon. Ayon sa hukuman, walang ebidensya na si Rjay ang unang nanghamon. Sa katunayan, malinaw na si Dindo ang nagtungo sa bahay ni Angel at siya ang unang nagbanta.Alinsunod sa People v. Naborra (binanggit sa People v. Pableo, G.R. No. 229349, 29 January 2020), ang provocation ay dapat malinaw at sapat upang udyukan ang paggawa ng krimen. Dito, malinaw na kabaligtaran ang nangyari, si Dindo ang nag-umpisa ng gulo, habang si Rjay ay tahimik na nagtatanggol ng sarili.


Samakatuwid, matapos timbangin ang lahat ng ebidensya, malinaw sa hukuman na napatunayan ni Rjay ang tatlong rekisito ng pagtatanggol sa sarili o self-defense. Kaya naman ayon sa hatol ng korte:


“Self-defense is a justifying circumstance that relieves the accused of criminal and civil liabilities… Hence, although Rjay killed Dindo, his act did not violate the law.”


Bunsod nito, pinawalang-sala si Rjay sa kasong Homicide sa bisa ng justifying circumstance na self-defense.


Sa likod ng kasong ito, muling ipinapaalala ng batas ang kanyang kahalagahan — na sa kabila ng dugo at trahedya, nananatili ang prinsipyo ng presumption of innocence at karapatang ipagtanggol ang sarili.Sa madaling salita, hindi lahat ng pagpatay ay bunga ng kasamaan; may mga pagkakataon na ito ay bunga ng likas na hangaring ipagtanggol ang sarili at mabuhay.


Tulad ng sinabi ng hukuman, hindi makatarungang asahan ang kalmadong pag-iisip mula sa isang taong nilalapitan ng kamatayan.


Tulad ng madalas nating banggitin, habang ipinagdarasal natin ang kaluluwa ni Dindo at ang paghilom ng sugat ng kalooban ng kanyang pamilya, nawa’y magsilbi itong paalala na sa bawat kasong dinidinig ay may kuwento ng takot, pagtatanggol, at paghahanap ng hustisya.


Sa ilalim ng batas, may puwang pa rin para sa makatuwirang pagtatanggol — at sa pagkakataong ito, ang batas mismo ang naging sandigan ng isang inosenteng nagtanggol ng kanyang buhay.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page