AGRI-smuggling ni 'Leah Cruz', untouchable sa Pnoy, Duterte at Marcos admin
- BULGAR
- Mar 4, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | March 4, 2023
PATI PRESYO NG GAMOT NA PANDUGTONG NG BUHAY, TUMAAS NA RIN—Hindi lang presyo ng mga bilihing pagkain at bayarin sa kuryente at tubig ang tumaas dahil pati pala presyo ng gamot ay tumaas na rin.
Ganyan ka-bad ang nangyayari ngayon sa Pilipinas, kung saan pati gamot na pandugtong-buhay sa mga Pinoy na may sakit ay tumaas na rin ang presyo.
Sa mga rich, walang problema kahit tumaas nang tumaas ang presyo ng gamot, pero sa mahihirap nating kababayang may sakit, sa totoo lang, napakalaking problema ng taas-presyo sa mga gamot. Tsk!
◘◘◘
‘LEAH CRUZ’ UNTOUCHABLE SA ADMINISTRASYON NINA EX-PNOY, EX-P-DIGONG AT P-BBM—Year 2013 o sa panahon ni ex-PNoy nabulgar ang raket na agri-smuggling ni “Leah Cruz” at nagtuluy-tuloy ito hanggang sa panahon nina ex-P-Digong at P-BBM.
Ibig sabihin, napaka-untouchable na smuggler ni “Leah Cruz” kasi mantakin n’yo, naging “nganga” lang ang kanyang raket sa administrasyon nina ex-PNoy, ex-P-Duterte at P-BBM, at hindi nagawa ng tatlong presidenteng ito na siya ay ipahuli at ipakulong. Boom!
◘◘◘
HINDI MASISISI ANG MGA TSUPER AT OPERATOR NA ITULOY ANG TIGIL-PASADA DAHIL HANAPBUHAY ANG IPINAGLALABAN NILA—Kahit ipinagpaliban na ang nakatakdang pagtanggal sa kanilang prangkisa sa Hulyo 1, 2023 at in-extend ito hanggang sa Disyembre 31, 2023, itutuloy pa rin ng ilang public transport organizations ang kanilang isang linggong tigil-pasada mula Marso 6 hanggang 12 bilang protesta sa plano ng pamahalaan na tuluyan nang i-phaseout ang mga traditional jeepneys at UV Express.
Hindi masisisi ang mga tsuper at operators ng traditional jeepneys at UV Express na ituloy ang isang linggong tigil-pasada dahil kabuhayan nila at kanilang pamilya ang ipinaglalaban nila rito kasi hindi talaga katanggap-tanggap na pagsapit ng year 2024, lahat sila ay jobless na, period!
◘◘◘
DAPAT IANUNSYO NG GOBYERNO NA WALA NANG MAGAGANAP NA PHASEOUT PARA STOP NA ANG TIGIL-PASADA—Hangga’t may panahon pa at hindi pa sumasapit ang Marso 6 na umpisa ng tigil-pasada, sana ay ianunsyo ng gobyerno na hindi na itutuloy ang phaseout sa mga traditional jeepney at UV Express. Kapag ginawa ‘yan ng pamahalaan ay tiyak na babalik na sa normal ang lahat at wala nang magaganap na tigil-pasada.
Ang puno’t dulo naman talaga kasi ng problemang ito ay ang gobyerno, satsat kasi sila nang satsat ng jeepney at UV Express phaseout, kaya pumapalag ang mga tsuper at operator ng traditional public transport. Boom!





Comments