Agri-smugglers dapat nang kasuhan at ikulong, period!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | May 4, 2023
DAPAT YATA AY ARAW-ARAW NA GISAHIN SA SENADO ANG MGA AGRI-SMUGGLERS PARA LAGING MABABA ANG PRESYO NG ASUKAL AT SIBUYAS SA MERKADO—Magkasunod na namang tumaas ang presyo ng asukal at sibuyas sa merkado sa katwirang kapos na naman daw ang supply ng dalawang produktong ito sa bansa.
Panandaliang bumaba ang presyo ng asukal at sibuyas nang gisahin ng mga senador ang mga agri-smugglers, pero nang matapos ang imbestigasyon sa Senado, makalipas ang halos isang buwan ay balik sa dati na mataas ang presyo ng agri products.
Dapat yata ay araw-araw na gisahin ng mga senador ang mga agri-smugglers para daily din ang mababang presyo ng asukal at sibuyas sa merkado, boom!
◘◘◘
MGA AGRI-SMUGGLERS, DAPAT NANG KASUHAN AT IKULONG PARA MATIGIL ANG PAGPAPAHIRAP NILA SA MAMAMAYAN—Sa totoo lang, kaya kinakapos ang supply ng mga ganitong uri ng produkto ay kapag may nagho-hoard at ang mga nagsasagawa ng hoarding ay ang mga agri-smugglers.
Kaya dapat kasuhan at ipakulong na ng Marcos administration ang agri-smugglers na sina ‘Leah Cruz,’ ‘Michael Yang,’ ‘David Bangayan,’ ‘Paul Teves,’ ‘Manuel Tan,’ ‘Andrew Chang,’ ‘Jun Diamante,’ ‘Lujene Ang,’ ‘Beverly Peres,’ ‘Lucio Lim’ alyas ‘Aaron’ at ‘Michael Ma’ para matigil na ang ginagawang pagpapahirap ng mga ito sa mamamayan, period!
◘◘◘
BAKIT ‘DI NAGDEKLARA SI GEN. GACES NG ‘NO-TAKE POLICY’ SA CALABARZON?—Nang maitalagang police regional director ng PNP-Region 4-A si P/Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez noong Agosto 17, 2022, agad siyang nagdeklara ng ‘no-take policy’ sa illegal gambling. Ibig sabihin, ang sinumang pulis na tatanggap ng payola sa mga gambling lords sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (Calabarzon) ay kakasuhan at sisibakin niya sa puwesto. Dahil sa direktibang ‘yan, nagtiklupan ang mga ilegalista sa rehiyong ito.
Nang malipat si Gen. Nartatez sa general headquarters sa Camp Crame noong Abril 20, 2023, ang pumalit sa kanya bilang PNP-Regional Police Director na si Brig. Gen. Carlito Gaces ay hindi nagdeklara ng ‘no-take policy.’
Kung ano ang dahilan at walang deklarasyon ng ‘no-take policy’ sa illegal gambling si Gen. Gaces ay siya lang ang nakakaalam, boom!
◘◘◘
ALYAS ‘BILLY JOE,’ NAGPAPAKILALANG ‘TONGPATS COLLECTOR’ SA CALABARZON—Isang alyas ‘Billy Joe’ raw ang nag-iikot ngayon sa mga gambling lords sa Calabarzon, na ginagamit ang police headquarters ng Camp Vicente Lim, at nanghihingi ng weekly payola dahil siya raw ang ‘tongpats collector’ ng PNP-Region 4-A.
‘Yan ang epekto ng hindi pagdedeklara ni Gen. Gaces ng ‘no-take policy,’ may ‘tongpats collector’ na nag-iikot sa Calabarzon para kumuha ng payola sa mga gambling lords, period!





Comments