After ng mga patutsada sa dayaan sa Miss U Phils. 2020…
- BULGAR

- Oct 28, 2020
- 3 min read
SANDRA LEMONON: NAG-IIPON PA AKO NG LAKAS NG LOOB BAGO ANG PASABOG KO!
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | October 28, 2020

Nagbigay na ng pahayag si Miss Taguig City Sandra Lemonon sa isyung kanyang pinakawalan kaugnay ng diumano'y 'dayaan' na nangyari sa katatapos lang na Miss Universe Philippines 2020 grand coronation na ginanap sa Baguio Country Club nitong Linggo (October 25).
Sa espekulasyon ng iba, nagsa-sour-graping lang si Sandra na 'di naiuwi ang korona kaya't siya'y nakapagbigay ng negatibong komento sa Miss U Organization.
Sa pahayag ni Sandra noong Lunes (October 26), aniya'y nag-iipon pa raw siya ng lakas ng loob, dahilan para hindi pa niya tuluyang maisiwalat ang kanyang bersiyon sa mga totoong naganap sa nasabing pageant.
Sabi ni Sandra sa kanyang Instagram Story, "I am gathering all my strength to speak UP And share the truth.
"All I want is for us to improve for the next batch of ladies who will be in our shoes & I do not want them to face what we did.
"Because we can do better & deserve better."
Ibinahagi rin ni Sandra na naging biktima siya ng mga batikos o haters dahil sa kanyang pahayag hinggil sa kanyang mga sama ng loob sa pageant.
Paliwanag niya, "Sometimes you will have to face many hate before people get to understand what really is happening behind the scenes."
Kalakip ng kanyang pahayag ay isang quote mula kay Martin Luther King, isang kilalang minister at civil rights champion sa U.S. na pinaslang noong 1968.
"Injustice anywhere is a threat to justice everywhere," saad sa quote.
Si Sandra ay kasama sa Top 16 contenders ng pageant, ngunit nabigong makapasok sa Top 5 finalists.
Ang mga nagwaging kandidata ay sina: Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo ng Iloilo City; first runner-up Ysabella Ysmael ng Parañaque City; second runner-up Michelle Gumabao ng Quezon City; third-runner up Pauline Amelinckx ng Bohol; at fourth runner-up Billie Hakenson ng Cavite.
Nabahiran ng kontrobersiya ang pageant nang magpakawala si Sandra ng malalamang patutsada laban sa pagkapanalo ni Rabiya.
May series of Instagram Stories siya bago ipinalabas ang taped-as-live grand coronation ceremony hanggang sa matapos ito noong Linggo nang umaga, October 25.
Hindi tuwirang binanggit ni Sandra si Rabiya sa kanyang Instagram Stories. Pero ilan sa matitinding salitang pinakawalan niya ay "Karma is real" at "Real queens...don't cheat."
Hindi pa rin niya idinetalye kung ano nga ba ang naganap behind the scenes ng pageant na mitsa ng kanyang mga hinaing.
Sa kabilang banda, nanindigan naman ang Miss Universe Philippines Organization na buo ang suporta nila sa newly-crowned Miss Universe Philippines na si Rabiya Mateo.
Ang board of directors ng MUP ay binubuo nina Shamcey Supsup (national director), Jonas Gaffud (creative director), Albert Andrada (design council head), at Lia Ramos (head of women empowerment committee).
Kasama rin sina Atty. Nad Bronce (head of legal affairs) at Mario Garcia (business development and marketing head).
Siyam ang pageant judges na nagdesisyon kung sino ang kokoronahang Miss Universe Philippines.
Ito ay sina Frontrow President RS Francisco, Congressman Eric Yap, Presidential Spokesperson Harry Roque, General Manager JCA Productions Jackie C. Aquino, at IPG Media Brands CEO Venus Navalta, Kasama rin sina Miss Universe 2012 first runner-up Janine Tugonon, Baguio first lady Arlene Magalong, P&G Group Director for Media Arthur Peña, at Frontrow CEO Sam Verzosa.
Ang pageant host na si KC Montero ang tumanggap ng envelope na naglalaman ng listahan ng winners, na inabot ng representative mula sa SGV auditing firm na nag-tabulate ng scores mula sa mga judges. Nabanggit ni KC na close fight ang naganap sa pagitan ng Top 5 finalists dahil maliit na puntos lang daw ang pagkakaiba ng mga ito.





Comments