Aces at Generals, kumapit sa suwerteng Undas sa NBL
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 3, 2021

Naging makapigil hininga at puno ng himala ang mga laro sa gabi ng Halloween sa Chooks To Go National Basketball League Chairman’s Cup 2021 noong Linggo sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga. Parehong nagwagi ang Paranaque Aces at Taguig Generals upang lalong pahigpitin ang karera sa torneo papasok sa huling apat na laro nito.
Si sento Vincent Alves ang bumida para sa Aces kontra Quezon Barons, 93-92. Sa sumunod na laban, panahon para bumida si Dan Anthony Natividad at nakapuntos upang makatakas ang Taguig sa Mindoro Disiplinados, 87-85.
Pormal na nasigurado ng Generals ang pagpasok sa NBL playoffs sa 5-3 panalo-talo.
Nanatiling buhay ang pag-asa ng Aces (4-5) na mapabilang sa anim na koponan sa playoffs subalit kailangan matalo ang Barons (4-4) sa Water Warriors sa susunod na linggo kasabay ng pagkatalo ng Laguna Pistons (3-5) sa DF Bulacan Republicans.
Tanging ang Pampanga Delta ang tiyak na uupo sa numero unong pwesto sa kartadang 7-1. Maaari pang magbago ang pagkasunod-sunod ng La Union PAOwer (6-2), Bulacan (5-3), Muntinlupa (5-3) at Taguig para sa ikalawa hanggang ika-limang pwesto.
Samantala, tumalon sa 2nd place ang Taguig Lady Generals nang talunin ang Glutagence Glow Boosters, 68-51, sa Women’s National Basketball League (WNBL) 2021. Ipinamalas ni Best Player at dating UST Tigress Marichu Bacaro ang porma na nagbigay sa kanya ng karangalan na MVP ng UAAP noong 2008 at binuhat ang Lady Generals sa 21 puntos, habang tinulungan siya ni Wiz Duazo na may 12 puntos at siyam na rebound.





Comments