Abusado na sa tungkulin si P-Duterte, tsk!
- BULGAR
- Oct 7, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 07, 2021
P-DUTERTE, ABUSADO SA TUNGKULIN—Matapos dedmahin ng mga alipores ni P-Duterte na sangkot sa PS-DBM (Procurement Service-Department of Budget and Management)-Pharmally Corp. multi-billion peso scam ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ay gumawa ng manipesto ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa pangulo na bawiin ang utos nito sa kanyang mga tauhan na huwag nang dumalo sa imbestigasyon ng Senado, at utos sa mga pulis at militar na ‘wag sundin ang mga senador kapag may nais ipaaresto ang mga ito, dahil ayon sa IBP ay labag sa Saligang-Batas ang mga kautusang ito ng pangulo.
Sa statements na ‘yan, kulang na lang ay sabihan ng IBP na abusado sa tungkulin si P-Duterte kasi pati Konstitusyon ay binabalahura nito, period!
◘◘◘
NASABIT LANG ANG PANGALAN NI MICHAEL YANG SA MULTI-BILLION PESO SCAM, BINABALAHURA NA NG PANGULO ANG KONSTITUSYON—May punto ang IBP, sa kanilang panawagan kasi magkahiwalay ang kapangyarihan ng Ehekutibo at Lehislatura, na ibig sabihin ay may kapangyarihan ang Senado na imbestigahan ang mga sangkot sa katiwalian at ipaaresto ang mga hindi dadalo upang maobligang humarap sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ewan ba natin sa pangulo, lumutang lang ang pangalan ng kaibigan niyang si Michael Yang sa multi-billion peso scam ng PS-DBM at Pharmally Corp. na pag-aari ng mga wanted sa Taiwan sa kasong fraud ay nagwawala na, kung saan pati ang Konstitusyon ng Pilipinas ay binabalahura maprotektahan lang ang BFF niyang Chinese national, boom!
◘◘◘
LEGAL NA NEGOSYANTE, NAG-AAMBAGAN PARA SA MAHIHIRAP NA KABABAYAN SA PANAHON NG PANDEMYA HABANG ANG PHARMALLY, NANININDIKATO—Hindi lang IBP ang nanawagan kay P-Duterte na respetuhin ang Konstitusyon kasi pati ang iba’t ibang asosasyon ng negosyante ay may panawagan sa pangulo na hayaang umusad ang Senate Blue Ribbon Committee Investigation upang mapanagot ang mga sangkot sa PS-DBM-Pharmally Corp. multi-billion scam.
May punto ang mga negosyante na makialam sa isyung ‘to kasi sila nga ay nag-ambagan para makatulong sa kababayang nangangailangan sa panahon ng pandemya, tapos ang Pharmally Corp. na “no permanent address” sa bansa ay ini-scam lang ang kaban ng bayan, period!
◘◘◘
IMBES NA MAGALIT KINA LAO, YANG AT PHARMALLY NANG MABULGAR NA EXPIRED ANG IDINILIBER NA TESTING KITS, SA MGA SENADOR AY NAGALIT SI P-DUTERTE—Mainam ang isinasagawang imbestigasyon ng komite ni Sen. Richard Gordon kaugnay sa scam kasi marami ritong natutuklasang anomalya, tulad sa higit P550-M pera ng bayan na ipinambayad ng PS-DBM sa mga expired na testing kits na ibinenta ng Pharmally Corp.
Hindi naman ito ang fake news kasi pinatotohanan ni Usec. Nestor Santiago ng Department of Health na expired nga ang mga testing kits na idiniliber sa kanila ng PS-DBM at Pharmally Corp.
Dapat, nagalit na si P-Duterte sa tauhan niyang si former Usec. Christopher Lloyd Lao, sa kaibigan niyang si Michael Yang at sa Pharmally Corp. kasi pera ng bayan ang ipinambayad sa mga expired na testing kits, kaya lang hindi sa kanila nagalit ang pangulo, kundi sa mga senador na nakatuklas sa multi-billion peso scam na ito, tsk-tsk-tsk!





Comments