ABS-CBN shows, ieere sa Christian station…
- BULGAR

- Oct 12, 2020
- 2 min read
QUIBOLOY KAY BRO. EDDIE: KABAKLAAN NI VICE, KUKUNSINTIHIN MO?!
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | October 12, 2020

Nagsimula na ngang mapanood muli sa free TV ang mga programa ng ABS-CBN via A2Z Channel dahil sa partnership ng istasyon at ng Zoe 11, ang TV network na pag-aari ni Bro. Eddie Villanueva ng Jesus is Lord.
Ang It's Showtime ay nakapag-umpisa na nu'ng Sabado (Oct. 10) at kahapon, napanood na rin ang ASAP Natin 'To. Tuluy-tuloy na rin ang inaabangang primetime seryeng Ang Probinsyano simula ngayong Lunes (October 12).
Ang A2Z Channel 11 na ang itinuturing na bagong tahanan ng mga programa ng Kapamilya Network na nagsara nang pagkaitan ng Kongreso ng prangkisa noong July 10, 2020.
Kumbaga, matatag na ang Kapamilya Network sa naging deal nito kay Bro. Eddie, subali't hindi masasabing iwas-intriga na ang ABS-CBN dahil 'di pa man nasusundan ang airing ng It's Showtime, inungkat nang muli ni Pastor Apollo Quiboloy ang dati nitong isyu kay Vice Ganda.
Sa October 9 telecast ng programa ni Quiboloy, hiningi ng isang viewer ang reaksiyon niya tungkol sa airing ng It’s Showtime sa television station na pag-aari ng Jesus Is Lord (JIL) Church ni Bro. Eddie.
Tanong ng isang concerned viewer kay Quiboloy, "Okey lang po ba na ipalabas sa TV o i-tolerate ang homosexual activity ni Vice Ganda sa isang religious TV channel?”
Sagot ni Quiboloy, "Tanungin natin si Bro. Eddie Villanueva kung ano ang masasabi niya rito."
Nagkaroon noon (November, 2019) ng isyu kina Vice Ganda at Pastor Quiboloy dahil sa hamon ng It's Showtime host na ipahinto ng religious leader ang traffic sa EDSA, at kung mapapahinto nito sa pag-ere ang primetime action drama series ni Coco Martin na Ang Probinsyano.
"Kasi kung lalabas diyan si Vice Ganda, o ang ABS-CBN, may mga shows na ganyan, ito-tolerate ba ng isang nagmamay-ari, ng isang religious leader na nagmamay-ari ng isang istasyon, na ipalabas… parang you are espousing homosexuality (kabaklaan) which is against the faith that you are preaching?” ani Quiboloy.
Susubukan daw niyang itanong ito kay Bro. Eddie dahil ito ang nagmamay-ari ng istasyon at ito lang ang tanging makakasagot sa paulit-ulit na tanong ng viewer.
“Kung ako 'yung may-ari. Hindi naman ako 'yung may-ari ng Channel 11, so sa kanya natin itanong," sabi pa ni Quiboloy.
Panawagan ni Quiboloy kay Bro. Eddie, "O, Brother Eddie, maraming nagtatanong, papayagan ho daw ba ninyo na ipapalabas ang palabas na people who are espousing homosexuality and openly? Openly... this is on television promoting this. So, hintayin natin ang sagot ni Bro. Eddie diyan. Ako, alam n’yo na ang sagot ko.
"Kung ako ang may-ari niyan, puwede kong ipaarkila, pero may kasulatan na gagawin: 'Do not promote this (homosexuality) here,'" sey ni Quiboloy tungkol sa concern ng nagtanong.
"Tulad sa SMNI, mag-advertise ka, pero walang vices. Food products puwede, pero sin products, hindi puwede."
Si Quiboloy ang host ng Give Us This Day na napapanood sa SMNI mula Lunes hanggang Biyernes.
Ang SMNI News Channel (Sonshine Media Network International) ang broadcasting arm ni Pastor Apollo Quiboloy, ang television evangelist na founder ng Kingdom of Jesus Christ.
Ganunpaman, anumang isyung kaharapin, napuno ng saya at maligayang-maligaya ang madlang pipol at lahat ng mga hosts ng It's Showtime sa pagbabalik sa free television ng kanilang programa kaya pinasalamatan ni Vice Ganda si Bro. Eddie at ang mga executives ng ABS-CBN sa panibagong simula sa bagong tahanan.





Comments