ABS-CBN, binili para magamit — Panelo.. Romualdez, may ambisyong mag-presidente

ni Mai Ancheta | May 26, 2023

Ibinunyag ni dating Chief Presidential Legal Counsel Attorney Salvador Panelo ang plano umanong pagtakbo sa pagka-presidente ni House Speaker Martin Romualdez sa 2028.
Sa kanyang programa sa telebisyon, sinabi ni Panelo na mismong sa grupo umano ng House Speaker lumabas ang presidential ambition nito kaya ngayon pa lamang ay nag-uumpisa na itong pabanguhin sa publiko.
"Iyang si Speaker Martin, itaga n'yo sa bato ang aking sasabihin gusto niyang maging presidente. Sa grupo nila, gusto nilang i-groom habang maaga pa. Limang taon pa pero mas mabuti nga naman 'yung nag-uumpisa nang maaga," ani Panelo.
Sa ngayon aniya ay nakikipag-venture ang kumpanya ni Romualdez sa ABS-CBN at magagamit niya ito para sa kanyang ambisyon sa 2028.
"Makikita mo pati 'yung ABS-CBN binili niya nakikipag-venture siya, ng kanyang company --'yung Prime Media Holdings Inc. na nakikipag-deal. Siya ang majority stockholder, magagamit niya 'yan. Siyempre lahat ng mga kukunin niyang komentarista, mga anchor eh siyempre saludo kay bosing. 'Yan ang plano niya,"dagdag ni Panelo.
Magsasara sa June 30 ang Teleradyo ng nabanggit na TV network dahil sa pagkalugi.
Dito naman umano papasok ang kumpanya ni Romualdez na Prime Media Holdings Inc. at mamumuhunan ng initial paid-up capital na P40 million bilang majority stakeholder.





Comments