Abot-kayang piyansa, ‘di dapat abusuhin
- BULGAR
- Feb 23, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 23, 2023
Upang lalong mapaluwag ang mga kulungan at hindi na magsiksikan pa ang mga inmates, ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) sa mga piskal na ibaba ang piyansang irerekomenda para sa mahihirap na isinasakdal sa kasong kriminal.
Ito ang nakasaad sa Department Circular 11 ng kagawaran na nilagdaan ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na alinsunod ito sa Republic Act 10389 o Recognizance Act of 2012.
Inatasan ni Remulla ang mga prosecutor na sa panahon ng inquest o preliminary investigation na alamin kung ang mga respondent o nasasakdal ay mga indigent o mahihirap at irekomenda ang mas mababang piyansa para sa kanila.
Paliwanag ng DOJ chief, kung mapatunayang guilty ito sa ginawang inquest, nasa 50% lamang ng piyansa ang irerekomenda sa respondent o P10,000 o kung alinman ang mas mababa.
Gayunman, hindi tinukoy ng DOJ circular ang nature ng mga krimen subalit itinakda sa P10,000 ang cap bilang maximum na halaga para sa mahihirap na akusado.
Samantala, kinikilala ng RA 10389 ang karapatan ng isang tao na mabigyan ng recognizance, o paglabas sa pagkakapiit, kung wala siyang kapasidad na makapaghain ng piyansa dahil sa sobra-sobrang kahirapan maliban kung reclusion perpetua o life imprisonment ang parusa sa inihaing reklamo.
Sinabi naman ni DOJ spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na ang naturang circular ay epektibo kaagad na ipatutupad.
Napag-alaman ding ito ang naging rekomendasyon ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa ginawang Justice Sector Coordinating Council noong Enero bilang solusyon sa lumalalang problema ng pagsisiksikan sa mga kulungan at detention facilities sa kasalukuyan.
Mahusay ang repormang ipinapatupad ng gobyerno kaugnay sa ating mga inmates.
Nauna na rito ang daan-daang persons deprived of liberty (PDL) na pinalaya na ng DOJ para maging maluwag ang ating mga kulungan.
Kasunod nito, ang mas mababang piyansa para sa mahihirap na akusado sakaling sila ay maisakdal sa kasong isinampa laban sa kanila.
Pabor ito sa kanila dahil sakaling sila ay mapatunayang nagkasala at makulong sa inihaing kaso, hindi na sila mananatili pa sa mga bilangguan nang matagal.
Subalit, hindi kaya ito ang maging dahilan para mas tumaas pa ang mangyaring krimen, kung saan abot-kaya na ng mga akusado na makapagpiyansa?
Sana, matukoy mabuti ng mga kinauukulan ang mga totoong nakagawa ng krimen at maparusahan ito, sila man ay may pambayad ng piyansa o wala.
Huwag sana itong magamit na panangga at hindi rin maabuso.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments