9 patay sa riot sa bilibid
- BULGAR

- Oct 9, 2020
- 1 min read
ni Lolet Abania | October 9, 2020

Inatasan ni Department of Justice (DOJ) Sec. Menardo Guevarra si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag na imbestigahan ang nangyaring karahasan sa pagitan ng mga gang sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) kaninang madaling-araw kung saan nai-report na maraming nasawi at nasugatan. Gayundin, pinagsusumite ni Guevarra si Bantag ng report tungkol sa insidente sa lalong madaling panahon.
Sa ulat ng BuCor authorities, siyam ang namatay na preso subali't wala pang detalye sa mga nasugatan sa naganap na matinding sagupaan ng sinasabing "hardcore personalities" ng NBP na Sputnik Gang at Commando Gang.
Ayon kay BuCor Spokesman Gabriel Chaclag, pito ang nasawi sa Sputnik at dalawa sa Commando. Inaalam pa rin ang bilang ng mga sugatang preso.
"'Yung dalawang grupo po, nagkainitan, nagkaabutan," sabi ni Chaclag.
Nangyari ang nasabing karahasan sa isang quadrant sa national penitentiary na nasa maximum security compound dakong alas-2:30 ng madaling-araw ngayong Biyernes na kalaunan ay napigilan ng mga kawani ng BuCor bandang alas-4 ng umaga.
Sa ngayon, payapa na rin ang sitwasyon sa national penitentiary, ayon pa kay Chaclag.
Dagdag ng BuCor spokesman, ilalagay sa isolation ang sinuman na mapag-alamang nagpasimula ng gulo at posibleng mahirapan itong mabigyan ng pribilehiyo ng BuCor tulad ng good conduct time allowances.
"Malalaman din po natin kung ano ang pinag-ugatan," sabi ni Chaclag.





Comments