85 ‘di lisensiyadong baril, kumpiskado sa San Juan

ni Lolet Abania | October 22, 2020

Umabot sa 85 piraso ng baril ang nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) sa San Juan City na bahagi ng kampanyang “Oplan Katok” ng ahensiya laban sa pagkalat ng ilegal na baril sa bansa.
Ipinrisinta kanina ng mga kawani ng pulisya ang mga nasabat na loose firearms kina Mayor Francis Zamora at Eastern Police District (EPD) Chief P/Brig. Gen. Johnson Almazan sa San Juan City Hall Atrium.
Kabilang sa mga nakuhang ‘di lisensiyadong baril ay siyam na rifle, siyam na shotgun, 19 na revolver at 48 pistols.
Sa buong EPD, ang San Juan police ang nakarekober ng may pinakamaraming bilang ng mga hindi rehistradong baril.
Samantala, hinikayat ni Zamora ang mga residente na nagmamay-ari ng mga baril sa San Juan na i-renew nila ang lisensiya ng mga ito o kaya ay isuko na lamang sa awtoridad.
"Sa mga San Juaneño, ‘yung may mga loose firearms, surrender n'yo na po kaysa hintaying bigyan pa kayo ng search warrant. Kahit sino po kayo, whether you’re a private citizen, high-profile personalities, or former government officials, surrender your firearms. No one is above the law," sabi ni Zamora.
Ayon sa San Juan police, posibleng dahil sa COVID-19 pandemic kaya ang mga may-ari ng baril ay hindi nakapag-renew ng lisensiya.
Sa Oplan Katok na nagsimula noong January, nagpupunta ang mga pulis sa bahay-bahay upang bisitahin ang mga firearm holders at ipaalam sa mga ito kung dapat nang i-renew ang kanilang firearms license.
Ayon naman sa EPD, ang mga nakumpiskang baril ay dinala na sa firearms explosive office ng pulisya.





Comments