top of page

8 Pinoy team, babanat sa CTG 3X3 Quest 2.0

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 20, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 20, 2022



Mabubuhayan muli ang 3x3 sa salpukan ng walong koponang Pinoy ngayong Linggo sa 2022 Chooks To Go Pilipinas 3x3 Quest 2.0 sa Ayala Malls Solenad ng Santa Rosa City simula 12:00 ng tanghali. Tumataginting na P100,000 at tiket patungong 2022 FIBA3x3 World Tour Hong Kong Masters sa Nobyembre 26 at 27 ang naghihintay para sa kampeon.


Ang numero unong koponan ng bansa na Cebu Chooks ay nabunot sa Grupo A kasama ang Butuan Chooks, Makati MNL Kingpin at Botolan Hayati. Nasa Grupo B ang Manila Chooks, Quezon City Ericcson, GenSan at Talisay EGS.


Maglalaro ng single round o tig-tatlong beses ang mga koponan at ang dalawang may pinakamataas na kartada sa mga grupo ay tutuloy sa knockout semifinals at finals. Magkakaroon din ng Sudan Daniel Slam Dunk Contest bago ang huling laro.


Mabigat na paborito pa rin ang Cebu dahil nandoon ang mga nangungunang manlalaro ng 3x3 ng Pilipinas na sina Mark Jayven Tallo at Brandon Ramirez kasama ang mga import na sina Mike Harry Nzeusseu at Marcus Hammonds. Hindi magpapahuli ang Manila at mayroon silang mga beterano ng World Tour na sina Dennis Santos, Dave Ando, Henry Iloka at baguhan na si Leon Lorenzana.


Nanatili sa Butuan sina John Paul Cauilan at Jason Strait at pumirma sina Raffy Oktubre at Moustapha Arafat. Tiyak na aagaw din ng pansin ang Botolan dahil maglalaro ang aktor na si Gerald Anderson at rapper Young JV kasama sina Martin Gozum at Babacar Ndong.


Aabangan din ang pagbabalik ni Paul Desiderio matapos mapilayan ng tuhod noong Mayo. Nakalista si Desiderio sa Talisay EGS kasama sina Jerome Napao, Dyll Roncal at Steve Akomo.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page