top of page
Atasha Muhlach as Annie Batungbakal - IG.jpg

7 traysikel nagkarera sa Marcos Highway, hulicam

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
2 min read

by Jeff Tumbado @News | September 30, 2026



7 tricycle nagkarera sa Marcos HIghway - Circulated FB

Photo: Circulated / FB



Patuloy na tinutugis ng Land Transportation Office (LTO) ang pitong tricycle na umano’y sangkot sa ilegal na karera sa Marcos Highway sa Marikina City.


Batay sa nakalap na video footages, makikitang isang grupo ng mga traysikel ang sunud-sunod na humarurot sa Marcos Highway pasado alas-2 ng madaling-araw nitong Linggo.


Nagsimula umano ang insidente nang isang tricycle ang biglang sumulpot sa kaliwang bahagi ng isang sasakyang dumaraan malapit sa intersection ng Felix Avenue sa Cainta, Rizal at Mayor Gil Fernando Ave. sa Marikina.


Makalipas ang ilang segundo, apat pang tricycle ang mabilis na sumunod at nag-overtake sa isa’t isa.


Muntik pang tumagilid ang isang tricycle matapos magsagawa ng biglaang pag-overtake.

Dalawa pang tricycle ang umano’y sumunod sa grupo, na ayon sa may-ari ng dashcam video ay ilang kilometro ang tinakbo habang nagkakarera sa highway.


Ayon sa isang saksi, ilang linya ng Marcos Highway ang ginagamit ng mga tricycle habang mabilis na nagpapalipat-lipat ng lane, na nagdulot umano ng panganib sa iba pang motorista.


Wala rin umanong nakakabit na plaka sa mga tricycle at may mga takip o bahagi sa likuran na tinanggal, batay sa obserbasyon ng saksi.


Napilitan din umanong umiwas ang ilang motorista, kabilang ang mga truck, upang hindi mabangga ang grupo ng mga tricycle.


Iniulat na sa LTO ang insidente at agad namang nagbabala ang ahensya laban sa mga driver na sangkot sa naturang gawain.


Ayon kay LTO chief Markus Lacanilao, maaaring ma-impound ang mga tricycle kapag napatunayang hindi tugma ang mga ito sa kanilang rehistro, paso ang registration o may iba pang paglabag sa batas.


Sinabi rin ni Lacanilao na may kaukulang mabibigat na multa para sa mga ilegal na modification, kabilang ang mga pagbabagong ginawa umano sa mga tricycle upang pagaanin ang mga ito at gamitin sa karera.


Patuloy naman ang pagtukoy ng LTO sa pagkakakilanlan ng mga driver at mga tricycle na makikita sa video upang mapanagot ang mga sangkot sa mga posibleng paglabag.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page