Search
  • BULGAR

7 sikreto kaya mas mahaba ang buhay ng mga promdi

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | June 27, 2020




Wala nang pinakamasayang kausap pa sa mga umpukan sa siyudad. Dahil bawal ngayon ang mass gatherings, sa chat, video calls o conference natin nakakausap ang mga taga-probinsiya o ‘yung mga promdi.


Nakakalungkot man at marami ang nagbabalik-probinsiya dahil na rin sa nararanasang krisis sa Metro Manila ay sila pa rin ang mga taong kahit nakatira sa mga liblib na lugar sa kanilang sinilangang lupa, sila pa rin ang hindi kinakitaan ng kalungkutan kahit pa mahirap ang buhay sa malayong ibayo.


Narito ang sikreto ng mga taong pinakamasaya na sumalta rito sa siyudad, ang ating mga kapatid na promdi na tiyak na mami-miss natin.

1. HINDI SILA NAHIHIYANG MAGPAHAYAG NG SARILI. Hindi ba't ginagawa pang katatawanan ang kanilang mga salita dahil madalas na matigas ang kanilang mga dila at may punto kapag nananagalog. Pero para sa kanila, habang marami ang natutuwa ay lalo silang nagiging makuwela. Kahit na walang katorya-torya ang kanilang mga kuwento at napaka-korni ay nakapag-iimbento sila ng katatawanan, pulitika man, biruan ay mas patok sa kanila kung pag-uusapan. Basta masaya sila sa kanilang kuwentuhan, palagi silang may mga positibong damdamin sa kanilang kausap. Madali silang makihalubilo at hindi asiwa sa kanilang kaharap dahil sila ay palangiti. Siguro ay dahil nakikita nila ang mga modernong bagay sa mga siyudad o bansa na kanilang napupuntahan na wala sa kanilang bukirin o bulubunduking kinagisnan. Kaya madali silang masiyahan kapag nahawakan o nagamit ang mga ito. Hindi ba, kapag nakahawak ng cellphone hayun at numero-unong mga TikTokers na talaga namang nakakaaliw.

2. MATATAG ANG SAMAHAN NG PAMILYA. Mapapansin na sila rin ang may matatag na samahan ng pamilya. Kahit na bahay-kubo lang ang kanilang iniwan na tirahan sa probinsiya, sama-sama silang masayang napagsasaluhan ang 10 pirasong daing at nilagang dahon ng kamote sa kanilang hapag. Ang samahang ‘yun ang nagpapadagdag ng kanilang kasiyahan at kagandahang loob kaya lagi silang masaya. Habang close ang kanilang damdamin sa bawat isa ay panatag ang kanilang kalooban.

3. MAHILIG SA MUSIKA, KASAYAHAN AT PIYESTAHAN. ‘Yung piyestahan ay bawal na muna ngayong may pandemic. Sa bahay, anuman ang tugtog basta't mapapaindak siya ay ganu’n siya kadaling maaliw. ‘Yung mga walang T.V., radyo o cellphone, no problem dahil nakakaimbento sila ng nga sari-saring magagandang tunog mula sa kagamitan sa bahay, sa instrumentong kawayan, timba o lata. Nakalilikha sila ng mga awiting nakaaaliw sa kanila. Kaya bihirang-bihira silang dapuan ng pagkanegatibong pag-iisip.

4. MAPAGMAHAL SA KALIKASAN. Gaya ng kanilang mga lolo at lola, mahilig silang maghalaman, magbukid at umakyat ng bundok, lumangoy sa ilog o dagat at mamangka, kaya bihira silang matensiyon at relaks lagi ang buhay nila.

5. MAPAGBIGAY SA ANUMANG MERON SILA. Sila ang mga taong palangiti at madaling batiin ang mga taong dumaraan. Kahit malalayo ang agwat ng kanilang mga bahay ay nagtuturingan silang mag-kamag-anak kahit hindi nila kadugo. Kapag may nagkasakit sa kapitbahay, agad na tumutulong ang kabila para maipagamot. Agad umiiral ang mapagkawang-gawang ugali, nagtutulungan.

6. AYAW NILANG NAI-STRESS. Madali silang maaliw sa mga bagay na naaabot ng kanilang makakaya kahit na walang pambili ng kasiyahan at kahit walang datung, nagagawa pa rin nilang tumawa nang tumawa. Ito ang nagpapaangat sa kanilang mood-boosting hormone na endorphins. Ito ang nagpapalapit sa loob nila sa bawat nakikilala.

7.MABABAIT ANG MGA KAPITBAHAY. Lahat ng mga kapitbahay ay nagbibigayan ng kani-kanilang lutong ulam, madaling makibagay, madaling kausap at nagtutulungan. Kahit na malawak ang kanilang barangay, lahat sila ay magkakakilala kaya hindi ramdam ng kahit sino na sila ay nag-iisa. Para silang isang pamilya kung magturingan.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.