68-anyos na lolo niratrat, dedo

ni Maeng Santos | February 27, 2023

Isang 68-anyos na lolo ang namatay matapos pagbabarilin ng hindi kilalang suspek na nagpanggap pa umanong pilay sa Malabon City, kahapon ng umaga.
Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa likod ang biktimang si Reynold Zuniega, 68, biyudo, ng Sampaloc, Manila.
Sa report nina PSSg. Bengie Nalogoc at PCpl. Renz Marlon Baniqued kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, alas-5:58 ng madaling-araw, naglalakad ang biktima sa kahabaan ng C. Arellano Street nang sundan ng suspek at patraydor na binaril subalit, hindi tinamaan.
Tumakbo ang biktima patungo sa Borja Street subalit, hinabol siya ng suspek at muling pinagbabaril ng apat na beses sa likod na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan.
Mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon habang narekober ng pulisya sa crime scene ang apat na basyo ng baril at dalawang tungkod na ginamit umano ng salarin.
Patuloy naman ang follow-up investigation para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek.





Comments