6 rehiyon, naghain na ng petisyon para sa minimum wage hike – DOLE
- BULGAR

- Mar 21, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | March 21, 2022

Ipinahayag ng isang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) na anim na regional wage boards ang nakatanggap ng mga petisyon hinggil sa pagtataas ng minimum wages ng mga manggagawa.
Sa Laging Handa public briefing ngayong Lunes, sinabi ni DOLE Undersecretary Benjo Benavidez na ang mga petisyon ay sasailalim pa sa isang proseso kabilang dito ang mga pagdinig at public consultations.
“Alam naman po natin na meron nang mga rehiyon, kung hindi ako nagkakamali, anim na rehiyon kung saan nakasampa na ‘yung mga petisyon for wage increase,” sabi ni Benavidez.
Ayon kay Benavidez, hindi pa siya makapagbigay ng eksaktong panahon kung kailan mailalabas ang desisyon dahil ang mga regional boards ay kailangan pang iproseso ang mga petisyon base sa itinakdang rules and regulations.
Gayunman, naniniwala ang opisyal na ang desisyon ay maaaring i-release sa Mayo o Hunyo, habang aniya, ang ilang petisyon ay kamakailan lamang inihain.
Wala naman tugon pa si DOLE Secretary Silvestre Bello III hinggil sa listahan ng ahensiya ng mga rehiyon kung saan ang mga petisyon ay naihain.
Una nang inatasan ni Bello ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB) sa buong bansa na i-review ang minimum wages.
Ayon sa kalihim, ang kasalukuyang P537 daily minimum wage sa National Capital Region (NCR) ay hindi na sapat sa pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, electricity at water bills.
Suportado naman ng Malacañang ang minimum wage reviews na isinasagawa ng DOLE.








Comments