top of page

6,000 katao, maaapektuhan ng Kaliwa Dam

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 26, 2023
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 26, 2023



Taong 1976 nang marating ko sa kauna-unahang pagkakataon ang Tanay, Rizal. Isang taon ako sa Tanay, nagturo ako sa hayskul at kolehiyo sa San Ildefonso College na noon ay pinatatakbo ng mga RVM Sisters. Probinsyang-probinsya pa ang Tanay at pakiramdam ko ay ang layo nito sa kabihasnan kahit lampas lang ito nang 50 kilometro sa Metro Manila.


Gayunman, hindi ako nalungkot o nanghinayang dahil nasa probinsya ako. Ibang-iba ang lahat mula sa pagkain, klima at ang mga taong nakakasalamuha ko araw-araw. Du’n ko narinig sa kauna-unahang pagkakataon ang salitang ‘hane’. Kung mayroong nais bigyang-diin ang mga taga-Tanay, lumalabas ang salitang hindi mo maririnig saan ka man pumunta kundi sa Tanay.


“Nakatulog ka ba nang husto, hane?” “Masarap ang pagkain mo, hane?” “Maganda ang sayaw, kanta, at ang damit na suot ng asawa ng Mayor, hane?”


Ngunit, natuklasan ko rin na mayroong mga taong nakatira sa mga kabundukan ng Tanay na ibang-iba sa mga nakatira sa ibaba. Salamat sa mga estudyante ko na nakapagpatayo ng mga farm at bahay ang kanilang pamilya sa mga sitio sa kabundukan ng Tanay, narating ko na rin sa ang maraming magagandang tanawin sa mga bundok nito.


Narating ko ang Daraitan, Kuyambay, Kayabo, Santa Ines at napakarami pang mga sitio sa kabundukan ng Tanay. Sa kanuna-unahang pagkakataon, du’n ako nakakita ng mga lumilipad at dumadapong Kalaw, ilang sawang bitin pa ang nakita ko rin, bigla na lang susulpot ang mga matsing na magtatangkang mang-agaw ng pagkain, tubig na malinaw at hitik sa sari-saring isdang tabang. Magugulat ka na lang sa malalaking baton na tila hinagis ng mga higante kung saan-saan.


Ang hanging kay linis, kay tamis at kay lamig. Ito ang buhay sa bundok, ito ang buhay ng ating mga kapatid na Dumagat-Remontado na nagmamay-ari ng mga kabundukan ng Tanay.


At hindi lingid sa mga kapitalista at taong gobyerno ang likas na yamang nakalantad at nakatago sa mga bundok ng Tanay. Matagal nang pinag-iinitan ng mga taong korporasyon at taga-gobyerno ang kayamanan ng mga bundok ng Tanay. Mula noong araw, dito nila nakita at pinag-initan ang ginto ng tubig ng Tanay. Sumingaw na noon pa ang panukalang gumawa ng dam sa Laiban. Marahil kung walang tumutol, naging kongkretong istruktura na ang planong gawin ang Laiban Dam.


At dumating ang administrasyong Duterte at bilang umugong ang panukalang magtayo ng dam sa Daraitan na nakilalang Kaliwa Dam. Ano ang Kaliwa Dam at anu-ano’ng mga sitio na tinitirahan ng mga Dumagat-Remontado ang nanganganib na patagin at palubugin?


Mula sa liham kay Pangulong Bongbong Marcos ng iba’t ibang pamayanang Dumagat-Remontado, mababasa natin ang sumusunod:


“Kami po ang mga Katutubong Remontado na direktang apektado ng itatayong dambuhalang Kaliwa Dam. Kami po ang mga pamayanang ilulubog: Makid-ata, 43 pamilya; Daraitan, 1,261 pamilya ang iigahan; Yokyok, 52 pamilya, papataging lugar; Baykuran, 47 pamilya; na may kabuuang mahigit 6,000 populasyon at mahigit 1,400 pamilya.


Kasama namin ang iba pang mga pamayanang Dumagat-Remontado sa General Nakar, Quezon at Tanay, Rizal na may-ari ng kabuuang 188,308 ektaryang lupaing ninuno na may dalawang Certificate of Ancestral Domain Titles (CADT No. RO4-1208-097n (Nakar) at CADT No. R04-TAN-0709-130, Tanay na kinilala ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).”


Sayang at hindi ko nasamahan ang 260 Dumagat na nagsagawa ng alay-lakad mula Nakar hanggang Malacañang. Nadalaw ko lang ang ating mga kapatid na Dumagat-Remontado noong nakaraang Miyerkules ng tanghali sa Marikina Sports Stadium. At nang sumunod na araw, nakiisa ako ng pagdiriwang ng misa para sa mga Dumagat na nagsagawa ng alay-lakad, na pagkatapos ng misa at tutulak na ng tanggapan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), NCIP hanggang sa marating nila ang Malacañang at maipaabot ang kanilang liham sa pangulo.


Nang kinausap ko ang mga kapatid nating Dumagat sa Marikina Sports Stadium, kitang-kita ang hapo ng ating mga kapatid. Pinasalamatan ko silang lahat at pinaalala ko na taas-noong pasalamatan ang paggamit sa kanila ng Panginoon upang ipagtanggol ang kabundukan sa mga gahaman na korporasyon at ang kanilang mga protektor at kakuntyaba sa gobyerno.


Salamat din, Panginoon, sa pagkakataong makasabay ako sa lakad ng 260 Dumagat, tungo sa MWSS, Department of Environment and Natural Resources (DENR), NCIP at Malacañang.


Basbasan po Ninyo at pagpalain sila sa kanilang dakilang misyon na ipagtanggol ang Sierra Madre at ang kasalukuyang at parating pang mga kabataan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page