top of page
Search
BULGAR

50 pelikula ang mapapanood… P50 BAYAD SA SINE SIMULA SA SEPT. 25

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Sep. 20, 2024



Showbiz News

Maganda ang naisipan ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pangunguna ni Chairman Don Artes at ng Metro Manila Film Festival Committee na magsagawa ng special screening ng mga pelikulang naging malaking kontribusyon sa movie industry ng ating bansa.


Bilang bahagi ng selebrasyon ng ipinagdiriwang na ika-50 anibersaryo ng MMFF ngayong taon, isasagawa ang Sine Sigla sa Singkwenta simula sa Sept. 25 to October 15 na ang layunin ay mapanood ng dati at bagong henerasyon ang mga pelikulang pinag-usapan sa takilya at gumawa ng ingay.


Sa halagang P50, muling mapapanood sa mga sinehan ang 50 pelikulang tumatak sa manonood tulad ng Insiang, Mano Po, Jose Rizal, Crying Ladies, Ang Panday (1980), Big Night, Ang Tanging Ina Mo, Minsa'y Isang Gamu-Gamo, Langis at Tubig, Blue Moon, Ang Panday,  


Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon, Walang Forever, Bulaklak ng Maynila, Moral, Himala, Captain Barbell, Kung Mangarap Ka’t Magising, Ang Alamat ng Lawin, Ang Larawan at marami pang iba.


Ani Chairman Don Artes sa ginanap na launch kahapon, "With the Sine Sigla sa Singkwenta screenings, we will bring some of the most memorable MMFF films back to the big screen for just 50 pesos, allowing both new audiences and long- time fans to experience the magic of those beloved films once again. These films represent some of the best of what the MMFF has offered over the past five decades." 


Kaya lang, tiyak na mababahiran ng intriga at maraming fans ang magre-react sa ginawang painted mural ng MMDA na ini-launch kahapon sa labas ng kanilang opisina sa Guadalupe, Makati na makikita sa kahabaan ng EDSA.


Makikita kasi sa mural ang mga nagsilbing haligi ng ating movie industry sa pangunguna nina Fernando Poe, Jr. (RIP), Comedy King Dolphy (RIP), Erap Estrada, Superstar Nora Aunor, Star for All Seasons Vilma Santos-Recto, Eddie Garcia (RIP), Gloria Romero, Bossing Vic Sotto, Cesar Montano, Maricel Soriano, Amy Austria, Anthony Alonzo (RIP), Vice Ganda at ang mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera.


Kahit kasi ang mga press people ay napatanong at nagtaka kung bakit tila hindi nakasama sa naturang mural sina Megastar Sharon Cuneta, Sen. Bong Revilla, Jr., Comedy Queen Ai Ai delas Alas, Kris Aquino, Judy Ann Santos at maraming iba pa na nagbigay din ng malaking kontribusyon sa tagumpay ng MMFF sa loob ng 50 taon.

Paliwanag naman ni Chair Artes, walang dapat ipag-alala ang mga artistang hindi nakasama sa naturang mural na ini-launch kahapon dahil magkakaroon pa raw ng mga kasunod na mural na makikita sa kahabaan ng EDSA hanggang sa BGC, Taguig sa mga susunod na araw, kung saan gagawan ng solo frame ang mga artistang may malaking kontribusyon sa MMFF.


Mahirap nga namang pagkasyahin lahat sa isang frame ang mga gustong isama ng mga fans kaya sila na lang ang namili. 


Pero tila mas mahirap sagutin isa-isa ang magiging pagkuwestiyon lalo na ng mga diehard supporters ng mga artistang hindi nakasama sa first batch ng mural.

Kunsabagay, ganu'n talaga, we can't please everybody. Ang importante, maganda ang layunin ng MMDA at MMFF committee na mas pasiglahin at buhaying muli ang interes ng manonood sa ating mga pelikulang Pilipino.


 

AFTER 11 months na pagkakakulong sa kasong estafa, finally ay pinayagan na ring makapagpiyansa ang aktor na si Ricardo Cepeda para sa pansamantala niyang paglaya habang nililitis ang kaso.


Oktubre 7, 2023 nang arestuhin si Ricardo dahil sa pagkakadawit sa investment scam at idinetine sa Camp Karingal, Quezon City bago inilipat sa Cagayan Provincial Jail sa Tuguegarao.


Sa release order na pinirmahan ni Executive Judge GemmaBucayu-Madrid, mababasa ang, "Having posted cash bond duly approved by this Court, the Warden of the Cagayan Provincial Jail, Tuguegarao City, Cagayan, where the accused is ordered to RELEASE the accused on provisional liberty unless held for some other lawful cause."


Hindi na binanggit kung magkano ang kabuuang halaga ng piyansa ni Ricardo para sa pansamantala nitong kalayaan.


Masayang-masaya naman ang live-in partner ni Ricardo na si Marina Benipayo dahil makakasama na nilang mag-celebrate ng Pasko ang aktor.  


Maging ang mga kapwa-artista at kaibigan nina Ricardo at Marina ay masaya rin para sa aktor.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page