50 estado sa Amerika, natakbo ng 72-anyos na si Ann Short
- BULGAR

- Sep 22, 2020
- 2 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | September 22, 2020

Nakumpleto mula sa pagtakbo ng karera ng 72-anyos na si Ann Short ng North Carolina 50 estadong bumubuo ng Estados Unidos na matagal na niyang pangarap na ngayon ay natupad na. Nagkataon na ang ika-50 at huling niyang karera ay ginanap noong Setyembre 12 sa Delaware, ang pinakaunang estado na sumanib at nag-ratipika ng saligang batas ng bagong tatag na bansa noong 1787.
Sampung taon na tumatakbo si Short subalit ang planong tumakbo sa buong Amerika ay naisip lang niya noong 2016 kasama ang kanyang asawang si Wayne. Unang nag-ensayo at tumakbo ng fun run si Ann matapos imbitahin ng kanyang anak na si Bryan at manugang na si Angie noong 2010 para sa isang 10K na gaganapin Hulyo, 2011.
Mula roon ay apat na beses sa isang linggo siyang tumatakbo. Nag-eehersisyo din siya sa isang gym kasama ang kaibigan o kahit mag-isa.
Pareho nang retirado, nagbalangkas ang mag-asawa ng tatlo hanggang apat na taong plano at kailangan kumilos agad dahil may edad na rin sila. Malaki rin ang natipid nila sa pamasahe sa eroplano dahil halos linggo-linggo sila lumilipad kaya nabibigyan sila ng libreng tiket.
Karaniwan ay lumalahok si Ann sa 5K, 10K, lima at 10 milya at 21K. Ang pinakamalayong natakbo niyang fun run ay 14 milya sa bayan ng Chapel Hill dalawang taon na ang nakaraan.
Natapos na ang kanyang ika-49 na karera noon pang nakaraang Nobyembre sa Las Vegas, Nevada. Bunga ng pandemya sa COVID-19, naliban ang mga karera sa Delaware na una siyang nagpalista subalit biglang nagkaroon muli ng patakbo kaya agad nagmaneho ng mahigit apat na oras sina Ann, Bryan at isang kaibigan.
Ang bawat isa sa kanyang 50 fun run ay may katibayang finisher medal. Ano kaya ang susunod na gagawin ng tumatakbong lola?





Comments