top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

50 dagdag-ruta sa Metro Manila, bubuksan ng LTFRB

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 21, 2022
2 min read

ni Lolet Abania | September 21, 2022



Nakatakdang buksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang tinatayang 50 karagdagang ruta sa Metro Manila para dumami ang bilang ng mga bumabiyaheng public utility vehicles (PUV) sa lansangan.


“Sa mga nakaraang meeting po namin, ang pagkakaalam ko po maglalabas po tayo ulit siguro mga around 50 additional routes po ang io-open natin. Kung kakayanin po itong linggong ito ilalabas po natin ‘yan,” pahayag ni LTFRB board member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes sa isang public briefing ngayong Miyerkules.


Bago rito, mahigit sa 100 ruta ng bus, jeepney, at UV Express ang binuksan ng ahensiya bilang paghahanda sa pagbabalik ng face-to-face classes noong Agosto.


Noong nakaraang linggo naman ay inaprubahan ng LTFRB ang taas-pasahe para sa traditional at modern jeepneys, buses, taxis, at transport network vehicle services (TNVS), kung saan ito ay mag-take effect 15 araw matapos na mailathala sa isang pahayagan na may general circulation o maaaring unang linggo ng Oktubre.


“Hindi ko masasabing band aid solution ‘yung inilabas nating fare increase approval dahil ito ay permanent. Ang masasabi natin, isa itong hakbang sa solusyon sa pangkalahatang problema sa transportasyon,” saad ni Paras-Leynes.


Ayon sa opisyal, ang LTFRB ay tumatanggap na ng applications para sa mga fare matrices ng public utility vehicles (PUV).


Hinimok naman ni Paras-Leynes ang publiko na i-report ang mga UV Express drivers na naniningil ng additional fees, habang patuloy naman ang ahensiya na dinidinig ang kanilang petisyon para sa fare increases.


Hinikayat din niya ang mga commuters na i-report ang iba pang PUV drivers na may ganito ring gawain.


Bukod dito, sinabi ni Paras-Leynes na pinag-aaralan na rin ng ahensiya ang isang proposal na i-extend ang validity ng franchise ng mga PUV operators at drivers na apektado ng COVID-19 pandemic, gayundin na i-waive ang kanilang mga penalties.


“Meron tayong mga pinag-aaralan na mungkahi tungkol doon sa pagdagdag ng taon doon sa kanilang mga prangkisa sa kadahilanang may pampublikong sasakyan tayong hindi pinayagang makalabas noong pandemya,” sabi ni Paras-Leynes.


“Pinag-aaralan natin kung maaaring i-waive natin ‘yung penalties para doon sa hindi nila pagkakapasada ng dalawang taon at mabawi ang mga panahon na iyon. Kino-consider ngayon na magdagdag tayo ng additional years sa kanilang franchise validity,” dagdag niya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page