top of page

5 simple tips para makaiwas sa Christmas stress

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 4, 2020
  • 3 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | December 4, 2020




Malapit na ang Pasko, ito ay isa sa pinakamasayang panahon ng taon bagamat may pandemya. Gayunman, maaaring mabawasan ang tendensiya na ma-stress kung susundin lamang ang mga sumusunod. Basahin ang artikulo na ito para maiwasan ang Christmas stress.


1. TINGNAN KUNG ANG TAWAG NG KOMERSIYO NG PASKO ANG NAGPAPATENSIYON SA IYO. Marami ang nai-stress kapag nalalapit na ang Pasko dahil dama nila na sobrang dami ng ineendorsong bagay o pagkakagastusan. Gayunman, nananatili ang lahat na nasisiyahan sa panahong iyan. Kung ikaw ito, tumuon sa kung anuman ang dama sa tunay na kahulugan ng Pasko at tiyakin na ang aktibidad at desisyon ay may gabay ng naturang kahulugan.


2. HUWAG OBLIGAHIN ANG SARILI NA LUMAHOK SA MGA OKASYON KUNG KAILANGANG MAKATIPID. Tiyak namang makakatipid dahil bawal pa ring magsama-sama ang lahat sa isang okasyon kahit marami ang gustung-gustong magdaos ng Pasko na magkakasama ang lahat ng kapamilya at mga kaibigan. May ilan na hindi naman sobrang excited at sa ilang kaso ay manhid na sa kabuuang ideya. Kung ganito ka, at kung ayaw mo talagang mag-celebrate nang bongga, ay puwede naman dahil halos lahat naman ay ganyan ang saloobin sa panahon na ito.

Tandaan, ikaw pa rin ang may karapatang pumili ng ikasisiya mo. Kung ang buong ideya para sa iyo na ang pagse-celebrate ay kalabisan, bigyan ang sarili ng regalong stress-free Christmas tulad ng “pagtanggi” sa kung anuman ang ayaw mong magastos na gawain.


3. MAGTAKDA NG TAMANG BUDGET AT MANATILI RITO. Ang pera ay isa sa pinakamalaking rason kung bakit nai-stress ang tao kapag Pasko. Ang mensahe rito ay napakasimple lamang. Kung nahihirapan kang lumikha ng budget para sa okasyong ito, ayos lang. Tutal, sandali lang naman ang buwan, Enero na kaagad at back to normal naman ang lahat at wala nang gastusan.


4. MAGTAKDA NG LIMITASYON KUNG GAGASTOS PARA SA IBA AT HAYAANG MAIPAALAM ITO SA IBA (lalo na sa mga bata). Ito ay partikular na kaso kung ang mga Pamasko ay kailangang bilhin para sa mga bata ( lalo na sa nagpapahiwatig na gusto nilang regalo ay isang mamahaling laruan). Para sa ilan na sinasabi nila sa mga bata na si Santa ay magdadala ng regalo, mas makatutulong na sabihin sa mga bata na imposible na ngayon para kay Santa na makabili na ng mas marami at mamahaling uri ng laruan dahil marami na ring iba pang bata na binibigyan si Santa ( ito’y habang ipinakikita sa mga bata ang litrato ng milyun-milyong bata sa isang lugar at makatutulong ito para maintindihan nila). Para sa mas nakatatanda nang mga bata na walang pakialam kung masopresa man sa umaga ng Pasko ay umaasa silang may makukuhang regalo sa ilalim ng Christmas tree, limitahan na rin ang pagbibigay sa kanila ng pera at sabihin sa kanila na makukuha nila ang kanilang gusto ayon lamang sa kasya ng kanilang matatanggap na pera.

Sila na ang bahalang bumili ng isang bagay na gusto nila ayon sa kanilang hustong pera na napamaskuhan. Para sa teenager na rin, bigyan na lang sila ng sapat na pera pero huwag munang payagang makapaglakwatsa kasama ng mga mabubuting kaibigan at bilhin na lamang ang gusto nila online.


5. BAWAL PA RIN ANG MGA BATA SA MALL. LIMITAHAN NA RIN ANG PAGBISITA RIYAN AT SA RETAIL STORES. Kung kailangang mamili, tumingin din ng items online. Sa rami kasi ng namimili, hindi maiiwasang magkakadikit ang mga tao riyan, mahihirapan kang magpa-asiste sa sales clerk at lalo ka lang mai-stress. Kung nandoon ka na sa isang department store, kunin na agad ang gustong bilhin at lumabas na agad.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page