5 sasakyan inararo ng military crane truck, 14 nadale

ni Mai Ancheta @News | August 2, 2026

Photo: FB Circulated
Sugatan ang 14 katao makaraang araruhin ng military engineering telescopic crane truck ang ilang sasakyan sa Brgy. Kajatian, Indanan, Sulu nitong Biyernes ng hapon, July 31.
Batay sa report ng Indanan police, nagkaroon ng problema sa makina ang military engineering crane truck na naging dahilan para mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at bumangga sa dalawang Tamaraw na sasakyan at tatlong motorsiklo na may sidecars.
Ang mga sugatang biktima ay mga pasaherong sakay ng mga inararong sasakyan.
Mabilis namang nagresponde ang rescue team at dinala ang mga sugatang biktima sa Sulu Provincial Hospital.
Hawak na ng pulisya ang driver ng military crane truck na aktibong military personnel na nakatalaga sa 545th Engineering Brigade na nakabase sa Tanduh Bato, Luuk, Sulu.
Inaalam pa ng mga otoridad ang halaga ng mga sasakyang nawasak at nasira sa insidente.





Comments