5 nagpapakalat ng fake news, sasampolan ng Comelec
- BULGAR
- May 6, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | May 6, 2022
Hindi man panahon ng halalan, kalat na kalat ang fake news.
Kaliwa’t kanan ang pekeng posts sa mga social media platforms, kaya naman hanggang ngayon ay maraming nabibiktima.
At habang palapit nang palapit ang eleksyon, tumitindi ang pagkalat ng mga fake news.
Ilang biktima nito ay ang mga kandidato at maging ang mismong Commission on Elections (Comelec). Bagay na ikinabahala ng maraming tagasuporta, gayundin ang komisyon.
Kaugnay nito, magsasampa ng kaso ang Comelec laban sa lima katao dahil sa pagpapakalat ng fake news sa social media hinggil sa darating na halalan.
Ayon sa Comelec, inilapit na nila sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kaso laban sa mga naturang indibidwal na umano’y naninira sa kredibilidad ng komisyon at proseso ng halalan. Kasabay nito ang pagtiyak na patuloy na sasampahan ng kaso ang mga nagpapakalat ng fake news kahit tapos na ang eleksyon.
Gayundin, nilinaw na ang target lamang ng poll body ay ang mga nagpapakalat ng fake news at hindi layong pigilan ang mga kritisismo o komentaryo laban sa kanila.
Binigyang-diin din ng Comelec na napakahalaga ng malayang pamamahayag at ginagarantiyahan na hindi sila magsasampa ng kaso sa mga taong nagbibigay lamang ng opinyon.
Matatandaang sa ilalim ng Omnibus Election Code, maaaring makulong nang isa hanggang anim na taon ang mga mapapatunayang nagpapakalat ng disinpormasyon sa mga botante.
Sa totoo lang, hindi natin maitatago ang masamang epekto ng pagkalat ng fake news. Marami na ang nabiktima ng maling impormasyon at nakakalungkot dahil imbes na mabawasan ay tila dumarami pa sila.
Kaya panawagan sa ating mga kababayan, maging matalino tayo sa paggamit ng social media.
Samantala, hangga’t may nagpapakalat, may mabibiktima. Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, ‘wag nating tigilan ang pagsugpo sa mga ito.
At kayong mga nagpapakalat ng fake news, hintay-hintay lang dahil may kalalagyan din kayo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co




Comments