top of page

4th gold medal sa Gilas, buwis-buhay vs. Jordan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 6, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 7, 2023



ree


Dumating na ang pinakamatimbang na gintong medalya sa Men’s Basketball ng 19th Asian Games Hangzhou salamat sa Gilas Pilipinas na tinalo ang Jordan, 70-60 kagabi sa Hangzhou Olympic Sports Centre. Nagwakas na rin ang 61 taong paghihintay na masundan ang ginto na inuwi mula sa 1962 Asiad sa Jakarta.

Tinamasa ng mga Pinoy ang pinakamalaking lamang, 28-15, sa shoot ni Ange Kouame sa second quarter. Nagising ang Jordan at pinangunahan ni Rondae Hollis-Jefferson ang paghabol hanggang magtabla sa halftime, 31-31.

ree

Larawan mula sa Gilas Pilipinas Army



Kabaligtaran ng una nilang tapatan noong Setyembre 30 kung saan madaling nanaig ang Jordan, 87-62, nagkaroon ng sapat na tulong si Justin Brownlee mula sa mga kakampi at ibinalik sa 51-41 ang bentahe ng Gilas papasok sa huling quarter. Hindi basta tumiklop ang Jordan at may ipiniga pa kay RHJ upang magbanta, 50-56.

Nakahinga ng maluwag ang Pilipinas sa magkasunod na buslo nina Kouame at Scottie Thompson upang iakyat muli ang lamang, 60-50, at limang minuto sa orasan. Mula doon ay pinairal ng Gilas ang matalinong diskarte at lumikha ng kasaysayan.

Nalimitahan si Brownlee sa 2 puntos lang sa 4th quarter ngunit namuno pa rin sa 20 puntos, 10 rebound at 5 assist. Umangat si Kouame sa 14 puntos at 11 rebound habang malaking ambag ang 13 puntos ni Chris Newsome.

Nakabawi na rin si Brownlee kay RHJ na tinalo siya sa finals ng huling PBA Governors Cup. Nagtala si RHJ ng 24 puntos at 12 rebound subalit siya naman ang kinapos ng suporta.

Matapos ang 1962 ay isang pilak noong Beijing 1990 at mga tanso sa Seoul 1986 at Bangkok 1998 ang nakamit ng Pilipinas. Ang huling kampeon ay pinangunahan nina FIBA Hall of Fame Carlos Loyzaga at Kurt Bachmann na ama ni PSC Chairman Richard Bachmann.

Samantala, napunta sa host Tsina ang tanso nang tambakan ang Chinese-Taipei, 101-73.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page