4M kilos sa Kadiwa, aprub na.. Mga puslit na asukal, ibebenta rin sa supermarket

ni Jeff Tumbado | May 4, 2023

Nakatakdang ibenta sa lahat ng Kadiwa stores ang mga puslit na asukal sa mas murang halaga.
Ito ang ipinahayag ng Sugar Regulatory Administration (SRA) kahapon sa public briefing na kung saan ayon kay acting administrator Pablo Luis Azcona na ang apat na milyong kilo ng puting asukal ay ibebenta sa halagang P70 kada kilo.
“Yung sa ngayon, ‘yung approved is 4,000 metric tons. That is about 4 million kilos, meron pa tayong naiiwan na nahuli na mga I think almost 6,000 [metric tons]. Hopefully, mare-release din ‘yun once it is proven safe and approved na for sale, for donation to Kadiwa,” saad ni Azcona.
Sa supermarket, ang isang kilo ng asukal ay kasalukuyang naibebenta mula P100 hanggang P136 base sa Suggested Retail Price (SRA) records at monitoring ng Department of Agriculture (DA).
Bukod sa Kadiwa stores, una nang sinabi ng SRA na kanilang ikukonsidera ang pagbebenta ng mga nakumpiskang kontrabando sa mga supermarkets.
Sinabi ni Azcona na pareho ng presyo sa P70 ang benta sa lahat ng Kadiwa sa mga supermarkets sa buong bansa.
“Sa ngayon, we’re actually finalizing kung paano natin ito gagawin kasi this [project] with big supermarket chains signified that they want to volunteer as base. Libre po ito. Magbibigay sila ng shelf space na talagang maging Kadiwa outlet siya. We will not sell sugar but other commodities as well,” ani Azcona.





Comments