top of page
WINNER - NETIZENS KAY PANELO KAWAWANG ‘PINAS!-IG _salvador.panelo & FB Robin Padilla.jpg

42-anyos na labs pa rin ang ex-gf, dapat ligawan ulit dahil makakatuluyan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 5, 2022
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| January 05, 2022



Dear Maestro,


Matagal kaming hindi nagkita ng ex-girlfriend ko dahil pareho kaming lumayo sa aming probinsiya at nakipagsapalaran sa ibang lugar. Ngunit nagulat ako dahil nang umuwi ako sa aming probinsiya, nalaman kong dalaga pa rin siya sa edad na 36, habang ako naman ay 42 na ngayon. Balak kong ligawan siyang muli, pero dahil may mga edad na kami, parang nauunahan ako ng takot at hiya. At ang isa pang inaalala ko talaga ay baka biguin niya lang ako.


Naisipan kong sumangguni sa inyo kung may pag-asa bang muling mabuo ang dati naming relasyon na hindi rin nagtagal dahil sa mga kumplikadong bagay na nangyari sa amin noon.


Sabi kasi ng kaibigan ko na pinsang buo niya, ligawan ko siya ulit dahil kaya raw hindi nagka-boyfriend o nakapag-asawa ang pinsan niya ay dahil hinihintay ako nito.


Totoo bang hinihintay at mahal pa rin niya ako hanggang ngayon o baka usapang lasing lang ang kinukuwento sa akin ng pinsan niya, gayundin, compatible ba kami?


Isinilang ako noong March 25, 1979 habang August 15, 1985 naman ang birthday niya.


Umaasa,


Raymond ng Anislag, Daraga, Albay

Dear Raymond,


Kung noong aking kabataan ay uso na ang cellphone, siguro andami kong naging girlfriend. Huli na kasi nang dumating ang cellphone, may asawa at mga anak na ako.


Isipin mo, sa sobrang high tech ng buhay ngayon, kahit text lang ay puwede mong makausap ang iyong nililigawan at puwede rin sa social media at habang nag-uusap nagkikita kayo, puwede pa kayong mag-TikTok.


Hindi tulad noong araw na kapag nag-ring ang phone, dahil medyo dis-oras na ng gabi, palihim na bababa si babae sa sala upang sagutin ang phone dahil batid niyang ang BF niya ang tumatawag. Habang nakikipag-usap sa BF, pinipilit niyang hinaan ang kanyang boses dahil baka magising ang kanyang nanay at tatay na natutulog sa kabilang kuwarto.


Pero ngayon ay iba na, kahit nakahilata ka, puwede kang mag-cellphone. Malaya kang gawin ang gusto mo sa pribado mong silid nang walang nakakarinig o nakakakita maliban sa dyowa mong ka-video call mo. At halos hindi na alam ni nanay at tatay mo na kagabi ay wala kang tulog dahil magdamag kayong nag-uusap ng karelasyon mo.


Ang nais kong ipaliwanag, sa panahon ngayon, hangal na lang ang lalaki o babae na hindi magkakaroon ng karelasyon dahil napaka-kumbinyente na ng komunikasyon. Ang totoo nito, puwede mo pang dalhin sa CR ang iyong cellphone upang hindi maputol ang masaya n’yong pagbobolahan ng iyong kasintahan.


Kaya, Raymond, kung sa edad mong 42 ay nahihiya ka pa ring kausapin ang ex-girlfriend mo, daanin mo muna sa papindot-pindot ng cellphone. Batiin mo ng “Hi!” sa FB or messenger. Pa like-like muna, pero ang totoo, hindi naman ang post niya ang like mo kundi ‘yung mismong tao na nag-post.


Kapag nag-reply siya ng positive, ibig sabihin ay nakipagbolahan siya sa text o social media, ‘yun ang magiging simula upang muli n’yong buhayin ang nausyaming pag-iibigan noong mga bata pa kayo.


Magiging maganda naman ang resulta, sapagkat ang zodiac sign mong Aries at Leo naman ang ex-girlfriend mo ay kapwa nagtataglay ng elementong fire kung saan sa larangan ng Western Astrology, compatible talaga kayo.


Ang problema nga lang, dapat ka nang magmadali na muling mabuo ang pag-iibigan n’yo dahil ang birth date niyang 15 o 6 (ang 15 ay 1+5=6), dahil alam mo namang una sa listahan ng mga tumatandang dalaga ay silang may mga numerong 6, 15 at 24, habang isa ring malaking problema ang birth date mong 25 na may sumatotal na 7 (ang 25 ay 2 +5=7), na kandidato rin sa pagtandang binata.


Kaya kapag hindi sinamantala ang biyayang dulot ng modernong teknolohiya at madaling komunikasyon, walang ibang dapat sisihin kung sakaling tumandang binata at dalaga kayong dalawa kundi ang inyong mga sarili.


Habang, kung matapos mong basahin ang artikulong ito ay sisimulan mo na siyang padalhan ng mga messages na kikiliti sa kanyang puso at damdamin, tiyak ang magaganap. Ayon sa inyong Love Calendar, sa taong ito at sa buwan ng Abril, muling mabubuhay at uusbong ang dating pag-iibigan at suyuang namagitan sa inyong dalawa.


Kasunod nito, ang inyong muling nabuong suyuan ay tiyak na mauuwi sa wagas na pagmamahalan, na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagmamahalan.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page