- BULGAR
4 patay, 60 iba pa sugatan sa magnitude 7 na lindol sa Abra – DILG
ni Lolet Abania | July 27, 2022

Nasa apat ang namatay habang 60 ang nasaktan, matapos ang magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra ngayong Miyerkules ng umaga, ayon sa Deparment of the Interior and Local Government (DILG).
Sa report ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., sinabi nitong ang dalawa sa mga nasawi ay mula sa Benguet, isa sa Abra at isa sa Mountain Province.
“Sixty [ang] injured and so far po apat ang nabalitaang nasawian ng buhay, four deaths.
Of these four, two are in Benguet, one each in Abra and Mountain Province,” saad ni Abalos.
Ayon kay Abalos, 44 sa mga nasaktan ay mula sa Abra.
Lahat naman ng mga nasawi ay dahil sa landslides, habang ani Abalos, may 58 na nai-report na landslides sa iba’t ibang lugar makaraan ang lindol, kung saan 31 dito ay sa Abra.
Base sa initial reports, sinabi ni Abalos na ang mga apektadong rehiyon ay sa 1, 2, at Cordillera Administrative Region (CAR), o 15 probinsya, 15 lungsod, 218 munisipalidad, at 6,756 barangay.
“Ang initial reports there are road closures in some parts of Abra, power interruptions in Abra and Benguet. Intermittent communication lines in Region 1, landslides in some parts of CAR, minor damages in other regions,” pahayag ni Abalos.
Binanggit din ng opisyal na nasa tinatayang 29 municipal roads ang napinsala sa CAR, habang tatlong tulay sa Abra at 173 gusali sa parehong pribado at gobyerno ang nasira.
Sa mga napinsalang gusali, sinabi ni Abalos na tinatayang 33 ang apektado sa Baguio, 59 sa Abra, dalawa sa Apayao, 62 sa Benguet, 7 sa Kalinga, at 10 sa Mountain Province.
Samantala, ayon sa PHIVOLCS, ang lindol, na naunang nai-report na magnitude 7.3, ay naitala ng alas-8:43 ng umaga at matatagpuan sa 17.64°N, 120.63°E - 003 km N 45° W ng Tayum sa Abra, habang may lalim ito na 17 kilometro.
Ani PHIVOLCS, “[The] quake was felt strongly in many areas in Luzon,” kabilang na rin ang Metro Manila.
Sinabi naman ni Senator Imee Marcos, kapatid ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na maraming heritage sites at main roads sa Ilocos Norte at Ilocos Sur ang napinsala matapos ang malakas na lindol.
Ipinahayag din ni Police Major Edwin Sergio sa Agence France-Presse (AFP) ang nangyaring pag-uga ng mga gusali at ang mga crack sa mga pader sa munisipalidad ng Dolores sa Abra, habang nagtakbuhan papalabas ang mga tao.
"The quake was very strong," sabi ni Sergio, na aniya pa ang mga bintana sa lokal na pamilihan ay nabasag.
Sa isang video na ipinost sa Facebook at na-verify ng AFP ay makikita ang mga crack sa aspaltong kalsada at daan sa Bangued.
Gayundin sa Bangued, ang mga nasaktan ay agad na dinala sa ospital, sabi ni Police chief Major Nazareno Emia sa AFP.
"Some of the buildings here show cracks. Power was cut off and internet as well," ani Emia.
“[The quake] caused damages to many households and establishments," wika ni Abra Representative Ching Bernos.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) chairman at Defense Officer-in-Charge Jose Faustino Jr., ang ahensiya ay nag-convene ng emergency meetings sa ibang regional directors at nag-isyu ng mga direktiba kaugnay sa gagawing response actions matapos ang lindol.
Sa report ni Faustino kay Pangulong Marcos, nag-isyu na ang Office of the Civil Defense (OCD) ng dalawang emergency alerts at warning messages na may koordinasyon sa PHIVOLCS.
"Armed Forces of the Philippines (AFP) prepared assets for mobilization already, we are talking about air assets and we could add more kung kinakailangan pa [if needed]," saad ni Faustino.